INATASAN ng chairman ng House committee on ways and means ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na ikonsidera ang pagsasampa ng class suit laban sa mga online shopping platform tulad ng Lazada at Shopee at maging ang kanilang sellers dahil sa hindi pagbibigay ng discount sa senior citizens at person with disability (PWD).
Sa pagdinig ng nasabing komite kahapon ukol sa hindi pagbibigay ng discount at VAT exemption sa mga senior citizen, PWD at maging sa solo parents ng iba’t ibang establisimyento sa bansa, isa sa napagbalingan ang mga online shopping platform.
“Can we put a class action in all these guys for not giving tax exemption and discounts to senior citizens, PWDs and Solo Parent?,” tanong ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng nasabing komite kay Atty. Ron Mikhail Uy ng BIR Legal Division.
Hindi direktang sumagot si Uy sa tanong ni Salceda subalit idudulog umano niya sa pamunuan ang mungkahi ng kongresista.
Ayon sa mambabatas, umaabot sa P1.3 trillion ang transaksyon sa mga online shopping platform taon-taon subalit hindi nagbibigay ang mga ito ng discount at tax exemption sa kanilang mga kliyenteng senior citizen, PWDs at solo parents.
Lumabas din sa nasabing pagdinig na hindi rin rehistrado sa BIR ang mga seller ng Lazada, Shopee at iba pang online platform kaya pinahahabol ang mga ito sa napakalaking buwis na nawawala.
Samantala, pinagsabihan ni ACT party-list Rep. France Castro ang Starbucks sa paglimita sa isang inumin bilang discount sa mga senior citizen at PWDs gayung masyadong mahal ang kape ng mga ito.
Isa ang nasabing kumpanya sa ipinatawag sa pagdinig ng komite.
(BERNARD TAGUINOD)
148