PATAY ang isang crew sa banggaan ng dalawang sasakyang pandagat sa karagatang sakop ng Batangas nitong Miyerkoles, ayon sa ulat ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Philippine Coast Guard (PCG).
Agad namang umaksyon ang Philippine Ports Authority (PPA) sa insidente ng banggaan ng dalawang sasakyang pandagat sa Matoco Point, Batangas City.
Sa ipinarating na ulat ng Port Management Office ng Batangas mula sa Vessel Traffic Management System (VTMS), umalis sa Batangas Port ang MV Ocean Jet 6 dakong alas-11:26 ng umaga at inaasahang darating sa Calapan Port ng dakong alas-12:35 ng tanghali, pero nakabanggaan nito ang isang water taxi ng Hap & Co. na patungo naman ng Batangas Port, dakong alas-12:20 ng tanghali.
Agad na naiparating ng PPA-PMO Batangas ang insidente sa PCG kaya agad nagsagawa ng rescue operation at nailigtas ang mga pasahero ng dalawang sasakyang pandagat.
Sakay ang limang pasahero at apat na crew ng Hop & Go 1, habang ang MV Ocean Jet 6 naman ay may 105 pasahero at 19 crew.
Sa kasawiang palad, isa ang namatay sa crew ng Hop & Go, habang ang mga nailigtas ay dinala sa Port of Puerto Galera.
(JOCELYN DOMENDEN)
196