DPA ni BERNARD TAGUINOD
EPEKTO ng political dynasty na malabong mabuwag hangga’t hindi magsakripisyo ang political clans sa ating bansa, ang isinusulong na Mindanao secession ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte aka Digong.
May mga political clan, hindi lang siguro lahat, na akala mo ay pag-aari nila ang probinsya o siyudad na pinamumunuan nila at astang untouchable at maaari nilang gawin ang lahat ng gusto nila at kapag may bumangga sa kanila na hindi nila kaya ang kalaban, ay hihiwalay na lamang sila sa estado.
Kapag may nagbanggit sa iyo na probinsya, ano ang unang papasok sa isip mo sa lugar na ‘yun? Hindi ba ang political clan o pamilya ng politiko na naghahari roon? Ganyan ang kapangyarihan ng dynasty sa ating bansa.
Kaya hindi ako magtataka kung walang maipapasang batas laban sa political dynasty dahil isang miyembro sa isang pamilya lang ang pwedeng tumakbo na hinding-hindi papayagan ng political clans.
Halos lahat ng political clan ay may kaanak sa Kongreso kaya huwag niyo silang asahan na gagawa sila ng batas na magpapahina sa kanilang kapangyarihan sa probinsya o siyudad na kanilang pinaghaharian.
Unang naghari si Digong sa Davao City nang i-appoint siya ni dating Pangulong Corazon Aquino bilang officer-in-charge sa siyudad nang mapatalsik sa kapangyarihan si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.
Mula noon ay hindi na niya binitiwan ang Davao City at ipinasa niya ang trono sa kanyang mga anak dahil wala namang batas na nagbabawal na puwedeng mag-ama o mag-asawa ang mamumuno sa isang siyudad, bayan o probinsya.
Kaya masakit sa mga Duterte kung may lalaban o babangga sa kanila at lalong masakit kung may magtatangkang ipakulong siya kasama ang kanyang anak dahil sa mga namatay sa kanilang war on drugs.
‘Yung isinusulong na Mindanao secession marahil ay panakot lang niya dahil nasanay sila na hindi sila pinakikialaman, nasanay sila na walang pumupuna sa kanila at nasanay sila na walang lumalaban sa kanila.
Parang spoiled brat lang na kapag pinakialaman o pagagalitan ng kanyang magulang ay magbabanta na hindi na siya papasok sa eskuwela, hindi na siya magtatrabaho o kaya ay maglalayas.
Hindi sana mangyayari ‘yang pananakot ni Digong kung noong ginawa ang 1987 Constitution ay binuwag na ang political dynasty at hindi ipinaubaya sa Kongreso ang paggawa ng batas dahil malabong mangyari at imposibleng mangyari sa panahon natin ngayon.
Teka, isa sa reklamo ni Digong ay napabayaan daw ang Mindanao kahit ilang presidente na ang nagdaan. Naging presidente siya ah at noong panahon niya, taga-Mindanao ang Senate President sa katauhan ni Koko Pimentel at Speaker of the House sa katauhan ni Pantaleon Alvarez. Anyare?
133