GULO SA CHA-CHA MULING SINASAMANTALA NG CHINA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAY mga report na noong 1997 kung saan nagkakagulo ang mga Filipino dahil sa Charter Change (Cha-Cha), ay sinimulang bakuran ng China ang mga teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea na kalaunan ay tinawag nating West Philippine Sea.

Nawala ang atensyon ng Pinas sa WPS dahil sa gulong idinulot ng Cha-Cha ni dating Pangulong Fidel Ramos, na ayon sa mga kritiko ay para magkaroon ito ng term extension dahil hindi raw sapat sa kanila ang 6 na taong pamamahala sa gobyerno.

Nagtayo ng mga istruktura ang China sa ilang reef na nasa loob ng 200 exclusive economic zone para raw kanlungan ng kanilang mga mangingisda kapag may bagyo pero kalaunan ay hindi na nila binitiwan ang mga teritoryong ito at tinayuan na nila ng mga gusali at ginawang military base.

Muli na namang nagkakagulo ang mga Filipino dahil sa Charter Change na itinutulak ng Marcos Junior administration na tulad noong panahon ni Ramos ay gustong idaan sa Peoples Initiatives as in PI.

Mukhang sinasamantala ulit ng China ang sitwasyon para lusubin ng kanilang hackers ang government websites para marahil makakuha ng impormasyon sa mga aktibidad ng ating gobyerno.

Nalaman ng ating mga anti-cyber specialist na ang IP address na nagtangkang mag-hack sa halos lahat ng government agencies website ay mula sa China at konektado sa kanilang estado.

Masamang pangitain ito dahil panghihimasok ito sa ating bansa ng China na hindi tumitigil sa pangha-harass sa loob ng ating teritoryo habang tayo ay muling nagkakawatak-watak dahil sa Cha-Cha na ‘yan.

Kaya pala alam ng China kung kailan magre-resupply ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga sundalong naka-deploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, dahil hina-hack nila ang website ng gobyerno.

Magtataka ka, bakit laging nakaabang ang Chinese Coast Guard kasama ang mga mangingisda nila kapag nagdadala ng supply ang PCG. Ibig sabihin may advance information na sila at nakukuha ‘yun ng kanilang hackers.

Ito dapat ang pagtuunan ng pansin ng gobyerno at hindi ang Cha-Cha dahil tuwing tinatangkang amyendahan ang 1987 Constitution, ang kasunod niyan ang political instability at pinagwawatak-watak ang mga Pinoy.

Oo, may mga probisyon sa kasalukuyang konstitusyon na dapat amyendahan pero hindi ang political provisions na ang makikinabang ay mga politiko lang at hindi ang sambayanang Filipino.

Napapansin kasi natin na ang pinag-uusapan lang ay term extension pero iniiwasan ang isyu sa political dynasty na siyang dahilan kung bakit nakasentro lang sa political clans ang ating bansa.

Kung sasabihin ng Kongreso na aamyendahan natin ang political dynasty, baka susuportahan ng sambayanan ang Cha-Cha pero dahil gustong gawing 5 taon ang termino ng mga politiko, gulo talaga ‘yan!

318

Related posts

Leave a Comment