MIYEMBRO NG PHIL. NAVY INARESTO SA PAGPAPAPUTOK

CAVITE – Inaresto ang isang miyembro ng Philippine Navy (PN) makaraang ireklamo sa pagpapaputok ng baril habang nakikipagtalo sa kanyang girlfriend sa bayan ng Naic sa lalawigan noong Linggo ng madaling araw.

Nahaharap ang suspek na si alyas “Rodel,” Seaman Second Class, sa kasong paglabag sa RA 11926 (An Act Penalizing Willful and Indiscriminate Discharge of Firearms).

Ayon sa ulat, nakatanggap ng sumbong ang pulisya mula sa isang concerned citizen, hinggil sa pagbulabog ng isang unipormadong miyembro ng PN na naka-battle dress uniform at armado ng baril sa Brgy. Latoria, Naic, Cavite dakong alas-2:40 ng madaling araw.

Nabatid sa reklamo, nagtungo ang suspek kasama ang isa pang miyembro ng PN, sa bahay ng kanyang girlfriend kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na humantong sa kanilang sigawan hanggang sa ilang beses umanong nagpaputok ng baril na ikinabulabog ng mga residente.

Matapos dito, umalis ang suspek at kasama nito sakay ng motorsiklo at tumakas sa direksyon ng Tanza.

Nagsagawa ng operasyon ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska ang ginamit na baril sa krimen.

(SIGFRED ADSUARA)

176

Related posts

Leave a Comment