KUMPIYANSA si Senador Sonny Angara na mas magiging epektibo ang implementasyon ng mga proyekto ng gobyerno at mababawasan kung hindi man tuluyang masasawata ang katiwalian sa procurement ng mga suplay sa isinusulong na pag-amyenda sa Government Procurement Reform Act.
Sa gitna ito ng tiwala ng senador na nabusisi nilang mabuti ang mga ipatutupad na pag-amyenda sa isinagawa nilang tatlong pagdinig, 10 technical working group meetings at ilang buwang konsultasyon para sa 13 panukala.
Sinabi ni Angara na inaasahan nilang mapapaikli ang proseso ng government procurement sa isinusulong nilang pag-amyenda sa batas at maiwasan ang pagsasayang ng mga wastage o pag-aaksaya.
Nilinaw naman ni Angara na ang mga naitatalang wastage ay hindi naman pawang bunsod ng katiwalian kundi ang iba ay dahil sa kapalpakan ng ilang government entities at ng procurement process sa kabuuan.
“We have seen agencies whose procurement of basic supplies take an inordinate amount of time to complete. There is a lack of true competition among bidders and oftentimes agencies are unable to undertake the procurement of goods due to poor planning or they are tied up by the procedures under the law,” saad ni Angara.
Batay sa 2019 World Bank analysis sa Philippine procurement data, natuklasan na kung magpapatupad ng mas maayos na procurement strategies at policies ang bansa ay makakatipid ito ng 29 percent ng kabuuang procurement.
Kung kukwentahin mula 2014 hanggang 2018, aabot sa P1.2 trillion ang matitipid ng gobyerno.
Sinabi ni Angara na alam ng administrasyon sa problema sa procurement law kaya’t prinayoridad din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pag-amyenda dito.
“Inaasahan naming na ang pagsasabatas ng reporma sa GPRA ay hindi lamang bibilis ang procurement ng gobyerno, ito’y magiging mas epektibo din. At sa ganitong paraan, iigting ang kapasidad ng gobyerno para tugunan ang pangangailangan ng sambayanang Pilipino. At kapag lalong gumanda at bumilis ang pag-responde, mas lalalim ang tiwala at panatag ng loob ng taong bayan sa ating gobyerno,” saad ni Angara.
(Dang Samson-Garcia)
127