QUEZON – Nadiskubre ng mga awtoridad ang mag-inang balikbayan mula sa Japan, na nakalibing sa bakanteng lote sa loob ng isang subdivision sa Tayabas City noong Huwebes ng hapon.
Batay sa report ng Tayabas City Police, ang mag-inang biktima ay kinilalang sina Lorry Litada, 54, at Mai Motegi, 26, Japanese national.
Ang nasabing mag-ina ay iniulat sa pulisya na nawawala noong Marso 9 ngunit ayon sa isang kaanak ng dalawa na taga Antipolo City, nawala ang mga ito noon pang Pebrero 21, 2024.
Huling nakita ang mga biktima sa bahay ng nakatatandang kapatid ni Lorry na si Ligaya Olivia Pajulas at mister nito na si Charlie Pajulas, sa Bella Vita Subdivision, Brgy. Isabang, Tayabas City kung saan pansamantalang nanunuluyan ang dalawa matapos na umuwi galing Japan noong Pebrero 20.
Sa isinagawang paghahanap sa dalawa, noong Huwebes ng hapon, kasama ang mga security guard ng subdivision, nagsagawa ng ocular inspection ang mga tauhan ng Tayabas City PNP sa bahay ni Pajulas at doon nila napansin ang malambot na bahagi ng lupa, ilang metro ang layo sa naturang bahay.
Nang hukayin ito ng mga awtoridad, doon nila nakita ang labi ng dalawa na nasa state of decomposition na at magkasamang ibinaon sa hanggang hita na lalim ng hukay.
Ayon kay PLt. Col. Bonna Obmerga, hepe ng Tayabas City police, posibleng pinaslang ang mga biktima at inilibing noong araw na nawala ang mga ito, base sa estado ng kanilang bangkay.
Wala naman ang mag-asawang may-ari ng bahay dahil ayon sa mga kapitbahay ay umalis ang mga ito para magpagamot sa ibang lugar nito ring unang linggo ng Marso.
Tanging ang anak na lalaki ng mag-asawa ang naiwan sa Tayabas at paminsan-minsan ay umuuwi sa bahay.
Ayon pa kay Obmerga, patuloy ang kanilang isinasagawang malalimang imbestigasyon sa krimen lalo na’t napag-alaman na nawawala ang P5-milyong cash na pag-aari ng mga biktima na dala ng mga ito nang umuwi galing Japan.
Pambayad umano ang pera sa biniling house and lot ng mga biktima sa bayan ng San Narciso, Quezon.
Tinitingnan din ng mga awtoridad kung maituturing na mga suspek ang kapatid ng biktima at ang mister nito.
Isinailalim na sa pagsusuri ng SOCO ang labi ng mag-ina upang mabatid kung ano ang ikinamatay ng mga ito.
(NILOU DEL CARMEN)
244