PRODUKTONG KADUDA-DUDA DAPAT SURIIN

PUNA ni JOEL O. AMONGO

WALANG humpay ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin ngayon, kaya naman marami sa ating mga kababayan ang naghahanap ng mas murang mga alternatibo para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.

Pero ka-PUNA-PUNA rin ngayon ang isang bago at nagte-trending na grocery store na mura raw ang mga bilihin.

Sa unang tingin ay maeengganyo ka talaga sa presyo ng mga itinitinda sa Dali Everyday Grocery.

Ngunit kaduda-duda ang ilang mga produkto dito at mapapaisip ka kung saan nga ba ito galing at kung dumaan ang mga ito sa tamang proseso bago makapag-distribute ng kanilang mga produkto sa merkado.

Tila nakaaalarma ang comments ng mga netizens sa mga nakaka-engganyong posts ng Dali Everyday Grocery sa social media.

KaPUNA-PUNA kasi ang ilang mga produkto na tila malaki ang pagkakahawig sa mga produktong nakasanayan na natin.

Ang Rajah Puro Vinegar ng Dali, na sa biglang tingin ay aakalain mo na suka ng DATU PUTI. Kaya naman mapapaisip ka kung ito ba ay magkamag-anak. Nariyan din ang kanilang Grandiosa loaf na malaki ang pagkakahawig ng packaging at font sa GARDENIA loaf breads.

Nakakuha rin ng atensyon itong BAKAKULT na tila kinopya ang font at istilo ng packaging ng nakasanayan at pinagkakatiwalaan nating YAKULT.

Marami tuloy ang nagtatanong na mga netizen na kung ito ba ay galing sa iisang manufacturer at kung ito ay produkto rin ng Yakult Philippines.

Marami tuloy ang nagtataka kung saan galing ang mga produkto ng Dali na napo-post sa social media.

May ilan kasi sa mga netizen ang nagsasabi na galing China habang may ilan ding nagsasabi na gawang Pinoy ang mga produktong itinitinda nila. Gayung hindi nga malinaw kung saan galing o gawa ang mga produkto kaya naman, malaking palaisipan tuloy kung safe ang mga produktong ibinibenta sa Dali.

Bagama’t ito ay isang malinaw na alternatibo para sa mga konsyumer na nais lamang na makatipid, ang ating katanungan ay kung ito ba ay dumaan sa tamang proseso ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Trade and Industry (DTI)?

Ang lahat ng mga produkto kasi ay dapat sumailalim sa masusing pagsusuri ng FDA at dapat ay may sertipikasyon mula sa DTI.

Nakalulungkot kasi isipin na kung sakaling hindi dumaan sa tamang proseso ang ilan sa mga produktong ito ay maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan natin at ng ating mga mahal sa buhay.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

333

Related posts

Leave a Comment