KAMARA SISILIPIN PROBLEMA SA RFID SA TOLLWAYS – TULFO

MAKIKIALAM na ang pamunuan ng Kamara de Representantes hinggil sa problema sa mga radio frequency identifications (RFIDs) sa mga tollways.

Ito’y matapos hindi magustuhan ng House leadership ang buhul-buhol na traffic sa North Luzon Expressway (NLEX) noong Miyerkoles Santo bunsod ng problema sa mabagal o hindi mabasang RFIDs sa mga sasakyan.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo, nakatakdang pulungin ni House Speaker Martin Romualdez ang pamunuan ng NLEX, maging ng SLEX kasama ang Toll Regulatory Board (TRB).

Aniya, nais malaman ni Romualdez kung may ginagawa na silang aksyon hinggil sa reklamong ito ng mga motorista.

“Matagal na ang mga reklamong ito pero nitong Semana Santa nakita natin na sablay itong RFID dahil hindi mabasa sa toll gates ng NLEX ang RFID stickers ng maraming sasakyan,” ani Cong. Tulfo.

“Gustong malaman ni Speaker kung may gagawin ba na hakbang ang mga toll companies tulad nang pagpapalit ng mga RFID readers o gagawan na lang ng remedyo na naman?” aniya pa.

Sa halip umanong maging maginhawa at mabilis ang pagdaan sa mga toll booth, perwisyo ang inaabot ng mga motorista.

Matatandaan na milya-milya ang haba ng traffic at ilang oras naantala sa NLEX tollgate ang mga sasakyan papunta sa norte sa araw na ‘yun.

“Sa Japan, Singapore, at Europe, automatic na tataas agad yung boom barrier pagdaan ng sasakyan sa toll gate,” aniya.

Babala ni Tulfo, “If hindi nila masolusyunan ito, siguro we can start reviewing their franchises, with the approval of the speaker of course, at hanap tayo ng iba na kayang resolbahin ang problemang ito.”

135

Related posts

Leave a Comment