TB DAPAT SOLUSYUNAN NG PAMAHALAAN

SA TOTOO LANG

Nakakagulat at nakakalungkot ang balitang pasok ang Pilipinas sa Top 8 ng mga bansang laganap ang sakit na tuberculosis o TB sa buong mundo. Ito ay nasa talaan ng World Health Organization na nakita sa taong 2017 – nahahanay tayo sa mahihirap na mga bansa ring tulad ng South Africa.

Sa pag-aaral, sa 100,000 katao ay may 500 sa mga ito ang may tuberculosis. At sa pagtataya lamang, sa 500 na ito ay kalahati lamang sa mga ito ang nagagamot. Eh ano ba ang populasyon ng Pilipinas ngayon? Ibig sabihin ay malaki na nga ang bilang ng populasyon ng mga Filipino ang apektado ng teribleng sakit na ito.

Ang tuberculosis ay madaling nakakahawa, nakakahina hanggang sa mangayayat ang pasyente at kung hindi maaagapan ay maaari itong ikamatay. Ang karaniwang pinipinsala nito ay tulad ng baga habang sa iba ay atay, buto, o bato.

Nakakalungkot na kapag dala mo ang sakit na ito ay naroong pandidirihan ka o makakaranas ng diskriminasyon kaya hindi basta-basta ang sakit na ito at dapat itong bigyang pansin at solusyon sa pangunguna ng Department of Health. Ito ay partikular sa mga taong salat sa buhay o mga kapos na walang pambili ng kaukulang gamot para sa naturang sakit.

Ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III ay malala nga ang kasong ito sa ating bansa, nasa 25,000 ang may tag­lay ng sakit na ito noong nakaraang taon. Pumasok tayo sa datos sa buong mundo na may 1.6 milyon ang mayroong tuberculosis.

Sa loob ng anim na buwang gamutan at sapat na kaing may nutrisyon at pahinga, maaaring guma­ling ang pasyente. Madali namang gamutin ang tuberculosis pero nakakagulat na kulang na kulang tayo sa solusyon para rito at hindi maagap ang ating pamahalaan para tugunan ito. Kung tutuusin nga ay may tulong ang pampublikong ospital o center para matulungan ang nangangailangan na may kinalaman sa nakamamatay na sakit na ito. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

183

Related posts

Leave a Comment