TARGET ni KA REX CAYANONG
HINDI maitatanggi na ang pag-apruba ng House Committee on Agriculture and Food sa substitute bill para amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL), na naglalayong ibalik ang kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng bigas sa mga pamilihan, ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapababa ng presyo ng bigas at pagbibigay ng proteksyon sa mga mamimili laban sa mapagsamantalang traders sa merkado.
Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, pinagtibay ng komite na siguruhing mayroong presensya ng NFA sa mga pamilihan, na naglalayong mapanatili ang presyo ng bigas sa abot-kaya para sa mga mamimili. Ito ay mahalaga hindi lamang upang mabigyan ng access sa murang bigas ang publiko, kundi upang maging panlaban din sa mga mapagsamantalang traders na nagpapataas ng presyo ng bigas sa merkado.
Ang mga suhestyon na isinama sa panukala, tulad ng pagkakaroon ng emergency situation para pumasok ang NFA, ay nagpapakita ng determinasyon ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng taumbayan sa murang pagkain. Kahit na walang opisyal na deklarasyon ng emergency, maaari pa ring magpasya ang NFA na mag-intervene sa pamamagitan ng pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado, tulad ng ipinaliwanag ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.
Aniya, sa kasalukuyang sitwasyon kung saan mataas ang presyo ng bigas, ang pagsusulong ng RTL amendment bill ay isa sa mga prayoridad ng Kongreso.
Inaasahan natin na sunod na tatalakayin ito sa Committee on Appropriations, kung saan mahalagang tiyakin ang sapat na pondo para sa implementasyon ng mga probisyon ng batas.
Sa posibleng pagbabalik ng kapangyarihan sa NFA, umaasa tayo na masusugpo ang pagtaas ng presyo ng bigas at mabibigyan ng ginhawa ang ating mga kababayan.
Dapat itong suportahan at pagtuunan ng pansin upang matiyak ang kaayusan at kaginhawaan ng ating mamamayan sa aspeto ng pagkain.
Samantala, sa gitna ng mga hamon at pagsubok na dulot ng iba’t ibang suliranin na kinahaharap ng ating bansa, isang malaking katuwaan at inspirasyon ang pagpapamalas ng malasakit at pagtulong mula sa ating mga mambabatas.
Isang halimbawa ng ganitong kabutihan ang naganap na Ramadan Assistance na isinagawa ni Cong. Zia Alonto Adiong dito sa munisipyo ng Ramain, Lanao del Sur. Sa pamamagitan ng programa na ito, mahigit 2,000 na mga kababayan ang natulungan.
Ang inisyatibong ito ay hindi lamang nagbigay ng pag-asa at tulong pinansyal sa mga nangangailangan, kundi nagpamalas din ng pagkakaisa at pakikipagkapwa-tao. Ang pagpapakita ng malasakit mula kay Cong. Adiong at ang kanyang pagtugon sa pangangailangan ng kanyang mga kababayan ay tunay na dapat ipagmalaki at tularan.
Ang ganitong uri ng pagtulong at pag-aambag sa ating lipunan ay dapat patuloy na ipagmalaki at suportahan. Ito ang tunay na diwa ng pagiging mabuting lider at mambabatas na dapat nating hangaan at purihin.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
126