P20 BIGAS NI MARCOS HINDI SERYOSO – FARMERS

HINDI seryoso si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pangakong makakabili ng P25 kada kilo ng bigas sa unang bahagi pa lamang ng kanyang administrasyon gayung siya ang unang umupong Kalihim ng Department of Agriculture (DA) sa kanyang termino.

Kasabay nito, sinabi ni dating Congressman Rafael Mariano na hindi magagamot ang problema sa mataas na presyo ng bigas sa mga amendment sa Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law (TRL) na sinertipikahan ni Marcos bilang urgent bill.

Sa press conference kahapon sa Kamara kasama ang Makabayan bloc congressmen, sinabi ng dating kinatawan ng Anakpawis party-list, na mula nang ipatupad ang nasabing batas noong Marso 2019 hanggang Enero 2024 ang ibinentang bigas ng National Food Authority (NFA) ay mahigit 43 million bags.

Sa nasabing bilang, 26 million bags umano ang naibenta sa pribadong negosyante kung saan 2.3 million bags dito ay naisalya ng nasabing ahensya mula nang manungkulan si Marcos noong Hunyo 30, 2022 hanggang Enero 2024.

“Ngayon po, kung nakikinig ang Malacañan. Kung seryoso talaga si BBM na magdala ng P20 na bigas sa palengke kasi ang puhunan ng NFA (sa ibinentang bigas), isa-subsidized lang niya, maglalaan lang siya ng P600 million dun sa 2.3 million bags makakapagbenta ng P20 per kilo,” ani Mariano.

Sinabi ng dating mambabatas na 2.3 milyon pamilya ang puwedeng makabili ng isang sakong bigas sa presyong P20 kada kilo.

“Kaya ngayon, malalagay sa malaking katanungan, seryoso ba si President Marcos Jr., sa P20? Lumalabas sa data hindi,” dagdag pa ng chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP.

(BERNARD TAGUINOD)

148

Related posts

Leave a Comment