Kasunod ng ruling ng Korte Suprema MGA NIRED-TAG PWEDE NANG RUMESBAK

MAGKAKAROON na ng pagkakataon ang mga biktima ng red-tagging na panagutin ang mga nag-red-tag sa kanila tulad ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon ito kay dating Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa press conference kahapon ng Makabayan bloc matapos ang ruling ng Supreme Court (SC) hinggil sa usapin ng red-tagging na karaniwang dahilan ng pagsasampa ng umano’y trump-up charges, illegal arrest and detention at pagpatay sa mga aktibista na inaakusahang mga rebeldeng komunista.

“Nagpapasalamat kami sa Korte Suprema. Para kasing ito yung inaantay naming ulan sa panahon ng drought, etong desisyon na ito ng Korte Suprema kaya very much welcome ang desisyon na ito,” ani Zarate.

Sa desisyong inilabas ng Korte Suprema hinggil sa petisyon na inihain ni dating Bayan Muna Congressman Siegfred Deduro, ang red-tagging ay hindi lamang simpleng labelling o vilification kundi inilalagay nito sa panganib ang buhay, seguridad at kalayaan ng isang biktima.

Ayon kay Zarate, malaking tagumpay ito para sa mga biktima ng red-tagging dahil marami na umano ang pinatay na aktibista at kritiko ng administrasyon matapos iugnay sa mga rebelde lalo na noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“This decision is a beacon of hope for those who have been vilified, harassed, and killed because of their political beliefs and activism. It affirms that labelling someone as ‘red’ or a ‘terrorist’ can have deadly consequences and must be stopped,” ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro.

Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na hindi lamang para sa NFT-ELCAC ang desisyon na ito ng Korte Suprema kundi sa mga kilala aniyang red-tagger na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz.

Dahil dito, iginiit ng mambabatas na ipasa na ng Kongreso ang kanilang panukalang batas na magtatakda ng mabigat na parusa sa mga red-tagger lalo na’t kinikilala na ng Korte Suprema ang panganib na idinudulot nito sa mga biktima.

(BERNARD TAGUINOD)

143

Related posts

Leave a Comment