(JESSE KABEL RUIZ)
ITINURO ng apat na naarestong pulis ang isang dating politiko at isang Immigration officer na kasabwat umano nila sa pagdukot sa apat na dayuhan sa Pasay City.
Tinutugis na ang mga tinukoy na indibidwal kabilang ang sibilyan na umano’y mastermind bagaman hindi muna pinangalanan ang mga ito.
Kahapon, iniharap sa media ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Francisco Marbil ang mga suspek na sina Police Major Christel Carlo Villanueva, Police Senior Master Sergeant Angelito David, Police Master Sergeant Ricky Tabora, at Police Staff Sergeant Ralph Tumanguil. Ang mga ito ay nakatalaga sa Makati City, Pasay City, at sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at sangkot sa pagdukot sa tatlong Chinese at isang Malaysian nationals kamakailan.
Sa ‘fact of the case’ na ibinahagi ni Sec. Abalos, sakay ang apat na foreign nationals ng kanilang sasakyan nang harangin sila ng ilang pulis na sakay ng Philippine National Police (PNP) motorcycle sa Taft Avenue. Nakasunod din ang isang puting van sa kanilang sasakyan.
“Pagkatapos bumaba ay kinuha ‘yung apat na dayuhan. They abducted the four individuals,” pahayag pa ng kalihim.
Pinakawalan umano ang dalawa na kapwa dumanas ng mga pinsala, matapos magbigay ng P2.5 milyong ransom. Nakatakas naman umano ang dalawa pa na humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Kalaunan ay nasakote ang apat na pulis.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong kidnapping with ransom, robbery, at carnapping matapos marekober ng mga awtoridad ang mga ebidensya laban sa kanila tulad ng CCTV footage, phones, PNP-issued firearms at mga motorsiklo.
222