(Ni NELSON S. BADILLA)
Tiniyak ng Bureau of Customs (BOC) na ibabalik ng pamahalaan sa South Korea ang mga basurang ipinadala sa Pilipinas mula sa kanilang bansa.
Katunayan, ayon sa tagapagsalita ng BOC na si Atty. Erastus Austria, nakikipag-usap na ang Customs sa pamamagitan ng Collection District of Cagayan de Oro (CDO)
sa kinatawan ng pamahalaan ng South Korea upang mapabilis ang pagpapabalik ng basura sa Pyeongtaek City.
Ang mabilis na aksyon ng BOC ay nakabatay sa direktiba ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Ipinarating ito ni Austria sa EcoWaste Coalition kahapon matapos magprotesta ang grupo sa harapan ng BOC.
Nanawagan kahapon ang EcoWaste sa pamunuan ng BOC na huwag nang paabutin sa Disyembre 25 ang basura ng South Korea na itinambak sa bansa.
Ayon naman kay Port of CDO District Collector Floro Calixihan, sinigurado ni Sunyoung Kim, Minister Counsellor, Embassy of Korea, sa Port Collector of Mindanao Container Terminal Subport, Tagoloan, Misamis Oriental, na tiniyak ng Republic of South Korea na gagawin nito ang lahat ng paraan upang matapos na ang nasabing kontrobersiya.
Nangako rin ang South Korean official na hindi na mauulit ang pagpapadala ng mga basura sa Pilipinas mula sa nasabing bansa.
Ayon sa Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region X, sinuri nito ang shipments na ipinadala sa Verde Soko Philippines Industrial Corporation kung saan nadiskubreng naglalaman ng “hazardous waste [materials].”
Batay sa rekord, naparating sa Verde Soko sa dalawang pagkakataon ang shipload na naglalaman ng 5,176.91 metric tons ng iba’t-ibang plastic at waste materials na ideneklara noong una na plastic synthetic flakes at isa pang fifty-one forty-footer containers (51×40’) na sinabing plastic synthetic flakes din ang laman.
Ipinakumpiska na ng BOC ang nasabing mga shipment dahil labag ito sa Seksyon 117 at 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act.
158