KUMPARA noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, mas mataas ang Confidential and Intelligence expense ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isinagawang press conference matapos isumite ang proposed national expenditure program (NEP) ng Marcos administration sa susunod na taon, sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na P10.286 billion ang CIE sa 2025.
Limang doble ang laki nito sa P2 billion na CIE ni dating Pangulong Aquino noong 2015 kung saan lahat ng ahensya ng gobyerno na nangailangan ng nasabing pondo, ang naghati-hati para mangalap ng impormasyon.
Ayon pa kay Pangandaman, bumaba umano ng 16% ang CIE sa 2025 kumpara sa P12.378 ngayong 2024 subalit nananatili pa ring itong mas mataas kumpara noong panahon ni Aquino.
Tulad ng inaasahan, hindi kasama ang Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP) sa binigyan ng confidential at intelligence funds sa susunod na taon.
Bukod sa Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP) at iba pang mga ahensya ng gobyerno na kailangan ang nasabing pondo, hindi idinetalye ni Pangandaman kung magkano sa nasabing halaga ang mapupunta sa Office of the President.
Samantala, tulad ng inaasahan, ang DepEd ang may pinakamalaking pondo sa 2025 na umabot sa P977.6 billion mula sa kasalukuyang P68.9 billion, na sinundan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magkakaroon ng P900 billion sa susunod na taon na mas mababa sa P997.9 billion ngayong 2024.
Lumobo rin ang budget ng Department of National Defense (DND) dahil mula sa P240.6 billion ngayong 2024 ay magkakaroon ang mga ito ng P256.1 billion sa susunod na taon, habang bumaba ang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na P230.1 na lamang ang magiging pondo mula sa kasalukuyang P248.1 billion, at Department of Agriculture (DA) at attached agencies tulad ng Department of Agrarian Reform (DAR) dahil P211.3 billion na lamang ang budget ng mga ito mula sa P221.7 billion. (BERNARD TAGUINOD)
(Photo: ITOH SON)
