TARGET NI KA REX CAYANONG
BINATI ni dating Manila Mayor Isko Moreno ang pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (INC) para sa ika-110 anibersaryo ng religious group nitong Sabado, Hulyo 27.
“Sa ating mga kapatid sa Iglesia ni Cristo sa buong mundo, isang maligayang pagbati sa inyong pagdiriwang ng ika-110 taong anibersaryo! Nawa’y patuloy kayong pagpalain at gabayan sa inyong pananampalataya at mga adhikain,” ayon kay Moreno.
Nakiisa rin siya sa pagdiriwang ng World Day for Grandparents kamakailan.
“Para sa mga Lola’t Lolo ko, binabati ko po kayo ng World Day for Grandparents and the Elderly! Namimiss ko na po kayo. Mag-iingat kayo palagi at mahal na mahal ko po kayo!” dagdag ng dating alkalde.
Kamakailan naman, binisita rin ni Moreno ang Baseco Evacuation Center para mag-abot ng kaunting tulong sa maliit niyang kaparaanan bilang pribadong mamamayan.
Aniya, walang magmamalasakit sa kapwa Batang Maynila kundi sila ring kapwa Batang Maynila.
Ito ay magandang pagpapakita ni Moreno ng malasakit at serbisyo sa mga taga-lungsod.
Kilala si Mayor Isko sa kanyang dedikasyon sa pagsulong ng kapakanan ng mga Batang Maynila, lalo na sa panahon ng krisis.
Sa kanyang pamumuno, marami ang nakinabang sa mga proyekto at programa na naglalayong pagandahin ang buhay ng bawat Manileño noong kanyang liderato.
Sa gitna ng mga hamon, patuloy na naging aktibo si Isko Moreno sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Mula sa relief efforts hanggang sa pagsasaayos ng evacuation centers, pinatunayan niyang tunay siyang nagmamalasakit sa kanyang mga kababayan.
Sa mga pagkakataong ito, hindi natin maipagkakaila ang kanyang pusong makatao at malasakit na hindi matatawaran.
Ngayon, bilang pribadong mamamayan, ipinagpapatuloy ni Isko Moreno ang kanyang mga adhikain sa pagtulong.
Kahit wala na siya sa posisyon, hindi niya nakalilimutan ang mga kababayang nangangailangan ng tulong at suporta.
Ang kanyang gawa ay isang inspirasyon sa atin na maging matulungin at responsableng miyembro ng lipunan.
Sa mga kababayan nating naapektuhan ng Bagyong Carina, nawa’y maging inspirasyon si Isko Moreno sa atin upang magtulungan at magmalasakit sa isa’t isa.
“May awa ang Diyos, at makakaraos din tayo sa unos na ito. Ang bawat maliit na tulong na ating maiaabot ay malaking bagay para sa mga nangangailangan,” ayon kay Isko.
Muli nating ipinapaabot ang ating taos-pusong pasasalamat kay Yorme Isko sa kanyang walang sawang paglilingkod at malasakit sa mga Batang Maynila.
Nawa’y patuloy siyang magbigay inspirasyon at gabay sa kanilang lahat.
Mabuhay ang Batang Maynila!
