CAVITE – Wala nang buhay nang matagpuan nitong Biyernes ng umaga ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang 15-anyos na estudyanteng hinihinalang nalunod makaraang lumiban sa klase para maligo sa dagat sa bayan ng Naic sa lalawigan noong Huwebes ng hapon.
Ayon kay Police Staff Sergeant Rodrigo Veloso III ng Naic Police Station, bandang alas-7:20 ng umaga nitong Biyernes nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si alyas “EJ”, Grade 10, ng Halang National High School at residente ng Brgy. Calubcob, Naic, Cavite, sa katabing coastal area sa Brgy. Labac, Naic, Cavite
Maswerte naman na walang nangyari sa anim pang kasamahan nito na may edad na 16, 17, 19 at tatlong 15-anyos.
Ayon sa ulat, bandang ala-1:00 ng hapon noong Huwebes, lumiban sa klase ang pitong estudyante ng Halang National High School at nagkayayaan na magtungo sa dagat sa Barangay Bucana, Malaki, Naic, Cavite kung saan nag-inuman ang mga ito.
Makalipas ng ilang sandali, nagkayayaan din na maligo ang mga ito hanggang sa tangayin umano ng malakas na alon ang isa sa kanila .
Ipinagbigay-alam ng mga kasamahan ng biktima ang pangyayari sa PCG na agad namang nagsagawa ng search and rescue operation, sa pamumuno ni CG Lyndon Ramos, Sub-Station commander.
Pagkaraan ay natagpuan ang bangkay ng estudyante sa katabing coastal bay ng Brgy Labac, Naic, Cavite bandang alas-7:20 ng umaga nitong Biyernes. (SIGFRED ADSUARA)
135