Grupo ng mga manggagawa sa Kamara: PERA NG BAYAN ‘WAG UBUSIN SA KORUPSYON

(BERNARD TAGUINOD)

SUMUGOD sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon ang mga obrero mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU) kasabay ng deliberasyon sa budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) para ipaalala sa mga mambabatas na pera ng mga Pilipino ang pambansang pondo kaya hindi ito dapat gamitin sa korupsyon at karahasan.

“Ang pondo ng bayan ay nagmumula sa pagbabanat ng buto ng manggagawang Pilipino. Dugo at pawis namin ‘yan. Kaya marapat lang na pakinabangan namin ‘yan sa pamamagitan ng serbisyo, benepisyo, at paglikha ng trabaho,” ani KMU secretary general Jerome Adonis.

Sa kilos protesta ng KMU sa harap ng Batasan Pambansa Complex sa Quezon City, hinimay ang korupsyon sa porma ng unprogrammed allocations, confidential funds, at intelligence funds.

Sinabi ni Adonis ginagamit ang pondo para atakihin ang mga grupong nakikipaglaban sa karapatan ng mga Pilipino patunay ang karanasan ng mga ito mula sa 201,676 magsasaka ang biktima ng extrajudicial killings, 10 ang naglaho at 45 ang inaresto at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso.

Hindi rin nagustuhan ng grupo na imbes gamitin ang pondo ng DOLE para magkaroon ng karagdagang trabaho ang mga Pilipino ay ginagamit ito para sa ayuda na pansamantala lamang.

“Sa halip na pondohan ang job creation, pinili na naman ng DOLE na buhusan ng pondo ang TUPAD na panandaliang empleyo lamang naman. Bukod pa sa ginagamit ang programang ito ng mga tradisyunal na politiko para sa political patronage. Hindi TUPAD ang tutupad sa batayang pangangailangan naming mga manggagawa! Ang kailangan namin ay regular at pangmatagalang trabaho,” ani Adonis.

Ginawa ng lider ng KMU ang pahayag dahil 68.48% sa budget ng DOLE o katumbas ng P14.93 billion ay inilaan sa TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating disadvantaged/Displaced Workers.

“Ang kapakanan ng manggagawang Pilipino ang dapat nakapanguna sa anomang talakayan hinggil sa pondo ng bayan.

Sa halip na mapunta ang pondo ng bayan sa korupsyon, katiwalian, at giyera, kailangang ilagay ito sa pagtitiyak na natatamasa ng manggagawa ang basic social services, benepisyo, nakabubuhay na sahod, at regular na trabaho,” ayon pa kay Adonis.

82

Related posts

Leave a Comment