PINOY BINUBUSABOS NI MARCOS JR.

(BERNARD TAGUINOD)

BUSABOS ang tingin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa manggagawang Pilipino.

Reaksyon ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas matapos aminin ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa budget hearing sa Kamara na ginagamit nila ang kontrobersyal na poverty threshold bilang batayan sa pagtatakda ng sahod sa bansa.

“Ginagawa nilang busabos ang mga manggagawa. It is unacceptable that we base wages on this unrealistic data,” ani Brosas.

Base sa pinakahuling poverty threshold, P13,873 lamang kada buwan ang kailangan ng isang pamilyang may 5 miyembro para sa kanilang pagkain at iba pang gastusin sa loob at labas ng kanilang bahay.

Nangangahulugan na P91 kada araw lang ang kailangan ng bawat miyembro ng pamilya para masabing hindi na naghihikahos ang mga ito na siyang ginagamit namang batayan ng DOLE kapag nagdedesisyon ito kung magkano ang minimum wage sa bawat rehiyon.

“DOLE is setting an inadequate baseline for wage determination and disregarding the current cost of living. Kaya malakas ang loob nilang pagkaitan ng signipikanteng dagdag sahod ang mga manggagawa dahil sa mga ganitong datos,” paliwanag ni Brosas.

Kung ang IBON Foundation aniya ang susundin, P1,207 ang kailangan ng isang pamilya kada araw para maayos ang kanilang pamumuhay o P31, 382 kada buwan na malayong-malayo sa P13,873 na itinakda ng gobyerno.

Dahil dito, muling iginiit ng mambabatas na buwagin na ang mga regional wage board. Wala aniyang pakinabang dito ang manggagawa bagkus ay naging kasangkapan ito para abusuhin ng mga employer ang kanilang mga tauhan.

Noong Hulyo, inaprubahan ng Regional Wage Board sa National Capital Region (NCR) ang P35 na umento sa mga manggagawa kaya umabot na sa P645 ang minimum wage rito na malayo sa P1,207 na family living wage.

“Tumataas ang presyo ng bilihin, pero ang dagdag sahod parang kailangan pa luhuran ng mga manggagawa. Kaya patuloy ang aming panawagan para sa isang legislated wage increase at itigil na itong paglalabas ng gobyerno ng mga datos na hindi lapat sa realidad,” ayon pa sa mambabatas.

115

Related posts

Leave a Comment