IIMBESTIGAHAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para alamin kung sino ang tumabla kay Vice President Sara Duterte nang humingi ito ng ayuda para sa mga taong lumapit sa kanyang tanggapan.
Ito ang nabatid kay DSWD Secretary Rex Gatchalian sa ambush interview sa Kamara matapos dumalo sa budget hearing na kanyang pinamumunuang ahensya.
“I will get in touch with her office para makuha lahat ng detalye para maimbestigahan natin ng mabuti,” ani Gatchalian.
Nauna rito, sinabi ni Duterte na napupulitika umano ang ayuda kaya isinama nito sa kanyang proposed budget sa 2025 ang pondo para ang tanggapan na lamang nito ang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Sinabi ng bise presidente na ginawa nila ito dahil tuwing nagbibigay umano ang mga ito ng referral letter sa DSWD ay tinatabla ng ahensya dahil “kalaban” umano siya ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Gatchalian, aalamin umano nito kung sino sa DSWD ang tumanggi o hindi kumilala sa referral letter ng Office of the Vice President dahil bawal umano ito sa nasabing ahensya.
“May policy kasi kami na weather may referral (letter) o wala referral basta nangangailangan at tumuntong sa aming tanggapan, tutulungan at tutulungan,” paliwanag ni Gatchalian.
Dahil dito, hihingin umano nito ang tulong ng tanggapan ng Bise Presidente para imbestigahan kung may nagawang “infraction” ang kanyang mga tauhan at mabigyan ng agarang aksyon kung kinakailangan. (BERNARD TAGUINOD)
121