APAT katao pa ang iniulat na nalunod habang tatlo ang nawawala dahil sa mga pagbaha sa iba’t ibang bayan sa Rizal.
Sa Cainta, nalunod ang isang lalaki na kinilala sa pangalang Randy habang nangunguha ito ng basura sa gilid ng ilog sa Parkplace creek sa Barangay Sto. Domingo dakong alas-11:45 noong Lunes ng umaga. Nawalan umano ito ng panimbang at nahulog sa Cainta River at tuluyang tinangay ng agos. Hindi pa natatagpuan ng search and rescue (SAR) team ng Cainta ang katawan nito.
Isa namang bangkay ng hindi pa kilalang lalaki na hinihinalang nalunod, ang natagpuan sa gilid ng ilog sa Sitio Pinagpala, Brgy. Banaba, San Mateo dakong alas-12:20 ng tanghali. Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan nito.
Sa Pililla, nalunod din sa baha ang isang babae habang tumatawid sa binabahang kalsada sa loob ng Bellavita Subdivision, Brgy. Halayhayin, dakong alas-5:30 ng umaga. Naglalakad umano ito sa malalim at malakas na agos ng baha nang mahulog ito sa manhole. Narekober ang labi nito dakong alas-6:00 ng umaga, mga 300 metro ang layo kung saan ito nawala.
Sa Taytay, namatay ang isang binata matapos na ito ay tumalon sa Taytay Bridge sa Rizal Avenue, Brgy. Dolores, habang naglalaro sa kasagsagan ng baha. Naanod ito ng agos at hindi pa nakikita at pinaghahanap pa rin ng mga rescuer.
Nawawala naman ang isang babaeng si Mica Tolosa matapos na tangayin ng malakas na agos ng baha sa Sitio Lubigan, Barangay Plaza Aldea, Tanay, dakong alas-7:30 ng umaga noong Sabado.
Nag-aayos ito ng mga gamit sa kanilang bahay malapit sa dike ng Tanay river nang biglang lumaki ang tubig at natangay ito.
Sa San Mateo, nawawala rin ang isang lalaki na tumalon sa Nangka river sa Brgy. Banaba, para kunin ang isang naanod na gas tank. Tinangay ito ng baha patungo sa bahagi ng Marikina river at hindi pa rin natatagpuan.
Sa Pililla, isang babae ang natangay rin ng baha sa Brgy. Imatong dakong alas-9:00 ng umaga. Ayon sa kaanak nito, nakapag-video call pa ang babae sa kanya at humihingi ng saklolo dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig.
Subalit nang puntahan ay hindi na ito matagpuan at base sa kuha ng CCTV, nakitang natangay ito ng tubig habang sinusuong ang mataas na baha sa kalsada. (NILOU DEL CARMEN)
177