GUMAWA rin ng kanilang sariling paghahanda ang Philippine Air Force bukod sa inilatag na seguridad ng DILG at PNP, kaugnay sa pagpapabalik kay Alice Guo sa Pilipinas.
Kasunod ito ng ulat na sakaling walang maging suliranin sina Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police chief, Police General Rommel Francisco Marbil, sa pagkuha sa kustodiya at pagpapabalik kay Alice Guo, ay idaraan ito sa Villamor Air Base.
Layunin nito na matiyak ang magiging maayos at ligtas na isasagawang extradition kay Guo pabalik ng Pilipinas.
Una nang kinumpirma kahapon ng Airport Police Department (APD) na walang direktiba sa kanila na maghanda sa posibleng pagdating sa NAIA 1 ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na kilala rin bilang si Guo Hua Ping.
Ayon sa APD, taliwas aniya ito sa kanilang paghahanda noong dumating sa bansa sina Shiela Guo at Cassandra Li Ong.
Kapansin-pansin din na walang police mobile patrols o mga puwersa ng PNP Aviation Security Group at maging ng NBI, sa labas at loob ng NAIA 1 kahapon.
Sa gitna ito ng mabilis na pagkalat ng balita na darating sina Abalos at Marbil kasama si Alice Guo, bandang alas-6:18 ng hapon mula Indonesia at posibleng idaan ang chartered flight sa Villamor Air Base.
Inaasahang aalis sina Abalos at Marbil kasama si Guo bandang ala-una ng hapon nitong Huwebes.
Si Abalos na armado ng Senate issued arrest warrant, ay dumating sa Soekarno Hatta International sa Jakarta bandang alas-2:30 kahapon ng madaling araw kasama si Gen. Marbil upang hilingin sa Indonesia authorities na maibalik nila sa Pilipinas si Guo matapos nilang madakip ito sa Tangerang City sa Banten Indonesia.
Mabilis ding kumalat sa Indonesia media na hihilingin ng Jakarta authorities ang palit-ulo para kay Guo. Nabatid na may isang Australian national na may drug case sa Indonesia na nahuli naman ng Philippine Authorities sa Cebu, ang hawak ngayon ng Bureau of Immigration.
Subalit ayon sa Justice Department, wala pa silang natatanggap na official request mula sa Indonesian government para sa prisoner swap kapalit sa kustodiya ni Guo na sangkot naman sa illegal online gambling operations at pamemeke ng kanyang citizenship. (JESSE KABEL RUIZ)
182