SINABI ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na ang hindi matukoy na bilang ng mga impormante ang makatatanggap ng P14 milyong pabuya para sa pagbibigay ng impormasyon na naging dahilan ng pagkakaaresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at apat na iba pa.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na tinalakay ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, PNP chief Police General Rommel Marbil, at Police Regional Office 11 director Police Brigadier General Nicolas Torre III ang reward noong Lunes.
“Definitely, ito pong reward na P10 milyon para kay Pastor Quiboloy at tig-iisang milyon para doon sa apat ay ibibigay po iyan sa mga impormante,” ayon kay Fajardo.
“We cannot really reveal kung sino po sila at ilan po sila dahil nanganganib po sila sa kanilang mga buhay. So pag-uusapan pa po yan kung sino-sino po yung entitled sa reward,” dagdag pa nito.
Nang tanungin kung ang mga impormante na makakatanggap ng mga pabuya ay mga miyembro ng KOJC, sinabi ni Fajardo na “Hindi ko makumpirma iyon.”
Ayon sa PNP noong Linggo, sumuko si Quiboloy matapos siyang bigyan ng ultimatum na sumuko sa loob ng 24 oras, kung hindi ay isang gusali sa KOJC compound ang pasukin ng mga awtoridad.
Sinabi naman ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon, nagpasya si Quiboloy na sumuko sa pulisya at militar para matigil na ang “lawless violence” sa KOJC compound. (PAOLO SANTOS)
91