LAGANAP KAHIRAPAN PERO MGA POLITIKO, PURO PAMUMULITIKA

PATULOY na tumataas ang presyo ng mga bilihin subalit hindi umaangat ang kabuhayan ng nakararami.

Ang masaklap, sa gitna ng nagdudumilat na kahirapan sa bansa ay nakatutok ang mga nasa poder sa pamumulitika. Inuuna ang kanilang mga interes sa halip pagtuunan ng pansin ang pagtugon kung paano matugunan ang pangangailangan ng mamamayan na kabilang sa kanilang mandato.

Hindi natin inilagay sa posisyon ang mga politiko para mamulitika, payamanin ang kanilang mga bulsa at palaganapin ang kanilang impluwensya. Subalit, iyan ang nangyayari.

Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin ay nagpapahina sa kapasidad ng mamamayan na makabili ng pagkain na sapat sa pangangailangan.

Tuwing nakatambad ang kahirapan ay nagiging sukatan nito ang taumbayan na kinukulang sa pagkain.

Sa datos ng National Nutrition Council (NNC), isa sa kada tatlong pamilyang Pilipino ang nakararanas ng food insecurity. Kapag kulang ang pagkain, nagdudulot ito ng malnutrisyon.

Ayon kay NNC Assistant Secretary Azucena M. Dayanghirang, ang malnutrisyon ay nagreresulta ng mababang IQ at pagkabansot.

Sabi ng World Bank, ang mga Pilipinong ipinanganak ngayon ay hanggang 52% lang ng kabuuang potensyal ang naaabot dahil sa kakulangan sa nutrisyon.

Kamakailan, inilunsad ng gobyerno at ng ibang grupo mula pribadong sektor ang programang “Kain Tayo Pilipinas” na ang layunin ay mapababa man lang, kahit hindi tuluyang wakasan, ang bilang ng nagugutom at mapataas ang lebel ng nutrisyon ng buntis at mga bagong panganak.

Makabuluhan ang programa lalo at ipinagdiwang ang 50th Nutrition Month na may temang “Sa PPAN: Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat.” Ang PPAN o Philippine Plan of Action for Nutrition ay itinakda ng NNC.

Subalit, hindi tiyak na ang sama-sama o tulong-tulong na adhikain ng KTP ay tugon para walang magugutom.

Isang malaking hamon sa KTP program ang lumabas na survey na aminado ang 58 percent o anim sa 10 pamilyang Pilipino na sila ay mahirap noong Hunyo. Ang survey ay isinagawa ng Social Weather Station (SWS) mula Hunyo 23 hanggang Hulyo 1.

Mataas ito ng 12 puntos sa 46 percent noong Marso.

Tinatayang nasa 16 milyon noong Hunyo 2024 ang pamilyang aminadong mahirap.

Nakalulula ang bilang ng mahihirap, at hindi ito kayang tugunan ng food stamp program ng Walang Gutom 2027 na inaasam ng pamahalaan.

Ipinakikita rin ng mga survey at datos ng ahensya ng gobyerno na panandalian lang ang epekto ng mga ayudang ibinibigay sa mahihirap.

Kung pursigido ang gobyerno na solusyunan ang problema sa seguridad sa pagkain, kailangan nitong ayusin ang sistema para tiyakin na ang supply ng pagkain ay maaabot ng pamilyang Pilipino.

Kasama na rin dito ang mga hakbang na gagawin para maremedyuhan ang anomang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Saka lamang magiging maayos at mapabubuti ang pagtutok sa pagkain para sa tamang kalusugan at nutrisyon.

125

Related posts

Leave a Comment