CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAS mabuti ba ang uri ng pamumuhay ngayon kaysa nakaraang 12 buwan?
O baka naman lumala o hindi nagbago ang kalidad ng inyong pamumuhay.
Eto na naman kasi ang survey na sumuri sa uri ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), lumabas na 39 porsyento o halos 4 sa bawat 10 Pilipino ay gumanda ang kalidad ng pamumuhay sa nakalipas na taon.
Batay sa survey na isinagawa mula Hunyo 23 hanggang Hulyo 1, ngayong taon, ang bahagdan ng gumanda ang kalidad ng pamumuhay ay mataas sa 30% na naitala noong Marso 2024.
Nasa 23% naman ang nagsabing lumala ang uri ng kanilang pamumuhay, mababa ng 2 puntos mula sa 25%, habang 37% ang nagpahayag na walang nagbago sa kanilang pamumuhay.
Dapat bang ipagpasalamat ang gumandang numero ng mga bumuti ang antas ng pamumuhay?
Hindi ito sumasalamin sa tunay na numero ng reyalidad. Ito ay hindi naisasalin sa tumpak na estadong nasasaksihan.
Pero sige, sabi nga nila at least… may positibong nangyayari.
Pwedeng tanggapin na nadagdagan ang bilang ng mga Pilipino na gumanda ang kalidad ng pamumuhay, ngunit hindi dapat ituon dito ang atensyon ng gobyerno.
Mas nakakaalarma ang bilang ng mga hindi nagbago ang kalagayan, at higit na nakababahala ang numero ng mga lumala ang uri ng pamumuhay.
Ang survey ay dapat gamitin ng pamahalaan bilang gabay sa paggawa ng mga plano, polisiya at aksyon para sa interes at ikaaangat ng mamamayan. Ito ay hamon sa kakayahan at intensyon ng gobyerno na tugunan ang mga suliranin at punuan ang kakulangan.
Sabagay, sabi nga, numbers don’t lie. Pero kahit tumpak ang numero, pwede itong kuwestyunin kung ang intensyon ng pagtatakda ay may bahid ng pagsisinungaling at pagpapalabis.
Gumanda ba ang buhay, lumala man ang kalidad o kapareho ng dati, ito ay deskripsyon na rin ng pagbabago.
Wala kasing magandang direksyon ang ipinagmamalaking pagbabago sa Bagong Pilipinas.
