(BERNARD TAGUINOD)
SA halip pairalin ang hustisya sa pagpatay kay Ret. Police General at Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga, mas pinili ni Sen. Christopher “Bong” Go na manahimik na lamang.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng House Quad Committee hinggil sa pagpatay kay Barayuga sa utos umano nina National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo at dating PCSO General Manager (GM) Royina Garma.
Sa pagtatanong ni Antipolo Rep. Romeo Acop kay PCSO chairman Anselmo Simeon Pinili, na mistah ni Barayuga sa Philippine Military Academy (PMA) Matikas Class of 1983, inamin nito na ipinaalam nila kina Go at dating Chief Presidential Legal Counsel Jesus Melchor Quitain, ang nalaman nilang motibo sa pagpatay sa biktima.
“What were those information that you shared with Quitain and Sen. Bong Go, confidential?,” tanong ni Acop na noong una ay ayaw sagutin ni Pinili kaya dinugtungan niya ito ng “”Alam niyo na kung sino ang may kagagawan. Would that be correct?” na sinagot ng dating general ng “Yes, Your Honor.”
Gayunpaman, walang nangyari sa kaso ni Barayuga na inambush paglabas nito sa kanyang opisina noong July 30, 2020. Nagkaroon lang ito ng linaw nang lumantad sa Quad Comm hearing si Police Lt. Col Santi Mendoza na siyang inutusan umano ni Leonardo na likidahin ang opisyal dahil ito ay “high value target” sa ilegal na droga.
Ang labis na ipinagtaka ng mga kongresista ay kung bakit walang aksyon si Go sa ipinarating na impormasyon sa kanya ng mga classmate ni Barayuga.
Lumalabas na ipapasa sana ni Barayuga sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang nalalamang katiwalian sa PCSO partikular na sa Small Time Lottery (STL) franchise na ibinigay ni Garma sa “Kingsmen” sa PNP na kinabibilangan ni Leonardo.
Sina Garma at Leonardo ay sangkot din sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals na nakakulong sa Davao Penal Colony noong Agosto 2016 na base sa mga testimonya ng mga resource person ng Quad Comm ay utos umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tiniyak naman ni Quad Comm leader chairman Rep. Robert Ace Barbers sa miyembro ng PMA Class 1993 na masasampahan ng kasong murder ang lahat ng mga sangkot sa pagpatay kay Barayuga.
109