QUIMBO SINISISI SA PAGWAWALA NG KAPWA KONGRESISTA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KAWALAN ba ng kaalaman ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang sanhi kung bakit nagwala si Magsasaka Party-List Rep. Wilbert Lee sa pagdinig ng budget ng Department of Health (DOH) kamakailan?

Ayon sa kwento, nairita itong si Lee matapos siyang pigilan ni Quimbo na magsalita sa budget hearing ng DOH. Eh wala naman palang kuwestiyon si Lee tungkol sa budget. May gusto lang daw siyang ipaabot na mensahe kay House Speaker Martin Romualdez.

Katunayan, bumoto pa si Lee ng pabor sa pondo ng DOH para sa 2025.

“Hindi ko po maintindihan kanina, Mr. Speaker, kung bakit hindi ako pinagsalita ng ating sponsor sa budget ng Department of Health gayong ito lamang po ang gusto nating ipaabot,” paliwanag ni Lee. “Nagpapasalamat po tayo muli sa ating House Speaker. Mayroon po tayong kasabihan, he who has help has hope and he who has hope has everything,” dagdag pa niya.

Ganun naman pala, e bakit siya pinigilan? Ano, tamang hinala lang?

Dahil daw sa halos pagwawala nitong si Lee ay nakita si Quimbo sa likod ng podium na umiiyak pagkatapos ng session. Baka ikinabigla rin niya ang reaksyon ng kasamahan.

Kontrobersyal itong si Quimbo sa social media. Maraming komento kang mababasa tungkol sa kanyang pagsusuot ng mga mamahaling bag, alahas at mga relo habang nasa hearing at sesyon ng Kamara.

Sabagay, wala tayong pakialam kung mamahalin ang kanyang isinusuot, pero may mga nagdududa, kagaya nitong si dating presidential spokesperson Rigoberto Tiglao na nagtanong, kung saan kinuha ng mambabatas ang pinambili gayong isa lang siyang ordinaryong teacher bago naluklok sa Kamara.

Sa kanyang column sa Manila Times, binanggit ni Tiglao na aabot sa halos P100 milyon ang mga designer bag ni Quimbo gaya ng Chanel, Dior, Goyard, at Birkin, mamahaling relo gaya ng Patek Philippe at Rolex, Cartier na kuwintas.

Nauna nang nagpahayag ng duda si dati ring presidential spokesperson at abogado na si Salvador Panelo kung saan kumukuha si Quimbo ng pantustos sa maluhong pamumuhay.

May panawagan na rin ang mga netizen sa Office of the Ombudsman na i-lifestyle check si Quimbo at iba pang mga nasa Kamara at imbestigahan kung may sapat silang ari-arian para tustusan ang maluhong pamumuhay.

154

Related posts

Leave a Comment