BAGYONG JULIAN BUMUWELTA; 3 PATAY

MULING pumasok sa Philippine area of responsibility nitong Huwebes ang Bagyong Julian na una nang nanalasa sa Hilagang Luzon bago tinahak ang Taiwan, ayon sa PAGASA kahapon.

May tatlo katao na ang inulat na nasawi sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos ang naunang pananalasa ng Bagyong Julian.

Posible umanong magdala ito muli ng malalakas na pag-ulan.

Inaasahan naman na agad din itong hihina sa loob ng 36 oras at magiging ganap na low pressure area.

Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may walong sugatan na nagmula sa Region 2 (Cagayan Valley). May kabuuang 58,953 pamilya o 211,000 katao mula sa Regions 1, 2 at CAR ang apektado ng cyclone, kung saan ay 308 pamilya o 922 katao ang nanuluyan sa 26 evacuation centers at 630 pamilya o 2,249 katao naman ang nananatili sa ibang lugar.

Sinasabing 21 lugar sa Regions 1, 2 at CAR ang nakaranas ng pagbaha, kung saan humupa na ang tubig-baha sa limang lugar sa Region 1 at pitong lugar naman sa Region 2. May apat na lugar naman sa Region 2 ang pabalik-balik ang pagbaha.

Dalawang insidente ng pagbaha ang iniulat sa CAR.

May kabuuang 105 road sections at tatlong tulay ang apektado sa mga nasabing rehiyon, 72 naman ay maaaring madaanan na.

Apektado naman ang suplay ng kuryente sa 20 lungsod at munisipalidad sa Regions 1 at 2, kung saan 14 (siyam sa Region 1, lima sa Region 2) ang naibalik na.

Iniulat din ng NDRRMC na may kabuuang 363 damaged houses sa Regions 1, 2 at CAR.

Tinukoy naman ng NDRRMC ang report ng Department of Agriculture (DA) na may 526.7 ektarya ng pananim na nagkakahalaga ng P35,209,440.81 sa Region 1 ang napinsala.

Samantala, iniulat naman ng National Irrigation Administration (NIA) na may apat na imprastraktura ang nawasak, nagkakahalaga ng P1,540,000.

Nanatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No.1 sa Itbayat, Batanes, araw ng Huwebes. (JESSE KABEL RUIZ/CHRISTIAN DALE)

359

Related posts

Leave a Comment