BATANES HARDEST HIT NI JULIAN, 5 PATAY

PINANGUNAHAN ni Office of Civil Defense (OCD) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno ang pagbisita sa isa sa mga hardest hit area ng nagdaang Typhoon Julian, ang lalawigan ng Batanes na nasa ilalim ngayon ng state of calamity.

Lulan ng isang C-130 Cargo Plane ng Philippine Air Force (PAF), ay nagtungo ang team ng OCD, ilang araw matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Julian sa probinsya ng Batanes.

Layunin ni Usec. Nepomuceno na alamin ang lawak ng pinsala na inabot ng Batanes at mamahagi ng tulong sa mga residente.

Laman ng naturang cargo plane ang food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), shelter repair kits, at makakapal na tarpaulin na gagamitin sa paggawa ng temporary shelter para sa mga residenteng nawalan ng tahanan.

Una rito, nagdeklara ng state of calamity sa lalawigan ng Batanes dahil sa malawak na pinsalang idinulot ng pananalasa ng bagyong Julian.

Bukod sa relief operation, magsasagawa rin ang naturang team ng assessment sa pinsalang iniwan ng naturang bagyo sa probinsya.

Una nang ipinag-utos ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. ang mabilisang rehabilitasyon sa probinsya ng Batanes, kasunod ng pananalasa ng naturang Super Typhoon.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council-Emergency Operations, nasa 172 pamilya ang na-displace at mahigit 1,000 kabahayan ang nawasak o bahagyang napinsala.

Umakyat naman sa lima ang bilang ng mga nasawi habang may isa pa ang reported missing.

Nagdala rin ang grupo ng mga generator set para magamit sa pagbibigay ng elektrisidad dahil labis na napinsala ang power sector ng naturang probinsya.

Pumalo naman sa P611 million ang pinsala sa mga ari-arian sa lalawigan.

Ang deklarasyon ng state of calamity sa probinsiya ay magbibigay daan sa provincial government para gamitin ang quick response fund nito para bilisan ang pagpapatupad ng disaster response at recovery measures.

Samantala, nag-iwan din ng malaking halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ang pananalasa ng bagyong Julian sa Pilipinas.

Base sa damage assessment ng Department of Agriculture, pumalo na sa P36.34 million ang halaga ng nasirang mga pananim sa 577 ektarya ng agricultural areas sa Ilocos Region at Cagayan Valley.

Bunsod nito, apektado ang kabuhayan ng nasa 1,000 magsasaka. Bilang tulong, naghanda ang Department of Agriculture ng P143.26 million na halaga ng bigas, mga binhi ng mais at mga gulay na ipamamahagi sa mga apektadong magsasaka.

Gayundin, sa kasalukuyan, patuloy pa ring nakararanas ng masungit na lagay ng panahon sa ilang bahagi ng bansa matapos muling pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Julian noong Huwebes ng umaga. (JESSE KABEL RUIZ)

134

Related posts

Leave a Comment