(DANG SAMSON-GARCIA)
NAIS ni Senador Risa Hontiveros na busisiin ng Senado ang kontrata ng Commission on Elections sa Miru Systems na napiling mag-supply ng voting machines na gagamitin sa 2025 National at Local Elections.
Sinabi ni Hontiveros na dapat gamitin ng Senado ang kanilang oversight function sa pag-iimbestiga sa kontrata.
Ito ay kasunod ng nakababahala anyang sitwasyon ng Miru makaraang mag-withdraw sa joint venture ang isa sa tatlong kasosyo nito na St Timothy Construction Corporation.
Tanong ng senadora kung ano ang epekto nito sa kabuuan ng kontrata dahil sa pagkakaalam niya sa batas sa partnerships, ang withdrawal ng isang partner ay posibleng lumusaw sa joint venture.
Bukod dito, nais ding malaman ng senadora kung may sapat pang pera ang Miru para makatupad sa mga probisyon ng kanilang kontrata.
Kasabay nito, iginiit ng senadora na hindi dapat namomroblema ngayon ang Comelec kung noong una pa lamang ay ginawa nang mas competitive at masusi ang bidding process.
Sa simula pa lamang anya ay marami nang red flag, tulad ng tanging ang Miru systems ang nag-qualify sa bidding at may mga features ang voting machine na hindi naman gagamitin sa eleksyon sa susunod na taon subalit kasama sa specifications ng makina na naging dahilan ng dagdag presyo.
Bukod dito, magkatulad din ang address at ilang incorporators ng St Timothy Construction at isa pang construction firm na blacklisted sa gobyerno na hindi ipinagtapat sa Miru.
69