PAGPAPAUWI NG BANGKAY NG OFW, INAKSYUNAN NI REP. JOHN BERTIZ

BANTAY OFW

Dumulog sa inyong lingkod ang isang ina ng OFW mula sa Lipa City, Batangas na si Eliza Dioneda upang ihingi ng tulong para sa mabilis na pagpapauwi ng bangkay ng kanyang anak na lalaki na si Noriel C. Dioneda na nasa Khamiz, Saudi Arabia.

Ang kanyang anak na si Noriel ay namamasukan bilang driver sa Saudi Arabia at nakapag-asawa ng isa ring Filipina at ang kanilang pagsasama ay nagbunga ng isang anak. Kamakailan natagpuan na lamang na isa nang bangkay si Noriel at ito diumano ay nagpakamatay dahil sa problemang may kinalaman sa relasyon nilang mag-asawa.

Ayon kay Nanay Eliza ay namatay ang kanyang anak noong Marso 1, 2019 ngunit hanggang sa sinusulat ang artikulo na ito ay wala pang kasiguruhan kung kailan maiuuwi ang bangkay ng kanyang anak.

Sa isang okasyon na binuo ng Solid Bato Movement volunteers ni senatorial candidate Bato dela Rosa ay nagkita kami ni ACTS OFW Representative John Bertiz at nabanggit ko sa kanya ang problemang ito ni Aling Eliza.

Agad-agad ay nagpadala siya ng SMS o text message kay Saudi Arabia Ambassador Dr. Abdulla Bin Nasser Al Bussairy upang humingi ng appointment upang mailapit ang problema ni Aling Eliza.

Nitong nakaraang Martes ay nakipagpulong kami ni Cong. Bertiz kay Amb.  Dr. Abdulla Bin Nasser Al Bussairy at doon ay naipakiusap ang mabilisang pagpapauwi sa bangkay ni Noriel. Sa huling impormasyon na aking natanggap ay kinakailangan na lamang na mai-translate ang ilan sa mga dokumento para sa clearance at sinagot na rin ng DFA ang gastusin sa pagpapauwi ng bangkay.

Gayunpaman, ang Bantay OFW ay nakikiusap kay Consul Gene Ed Badajos na kung maaari ay mapabilis na ang pag-asikaso ng mga dokumento para sa pagpapauwi ng bangkay ni Noriel.

oOo

Ang Bantay OFW ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga OFW. Ipadala po lamang  ang inyong mga  sumbong o reklamo sa aking email sa ako.ofw@yahoo.com

181

Related posts

Leave a Comment