CAVITEX TRAFFIC ENFORCER, INIREREKLAMO SA AMIN

RAPIDO NI TULFO

ISA sa tinatangkilik na bahagi ng ating programa ay ang public service segment na pinamagatang “Rapido Aksyon”. At sa tagal na ng ating programa na nagsimula pa noong taon 2005, ay marami na rin kaming natulungan.

Samu’t sari po ang natatanggap naming mga reklamo araw-araw pero sa ngayon ang pinakamarami ay may kinalaman sa mga nawawala o naabandonang balikbayan boxes mula sa ating kababayang OFWs.

Isa sa mga reklamong natanggap namin ay mula kay Gng. Escueta. Ayon sa kanyang mensahe sa amin, nito lang October 8, 12:30 ng madaling araw, nangyari ito habang sila ay nakapila sa toll booth sa Cavite papuntang Las Piñas.

Kasama ang kanyang anak, sinita raw sila ng isang traffic enforcer at sinabing hindi doon ang pila ng walang RFID sticker (bago po ang sasakyan nila Gng. Escueta kaya wala pa itong RFID).

Nakiusap ang anak ng ginang na nagmamaneho ng kanilang sasakyan, na doon na lang magbayad dahil naipit na rin sila sa pila.

Pumayag naman ang naturang enforcer at sa parte ng complainant ay tinanggap nila ang sinabi nito na hindi na sila bibigyan ng sukli dahil mali naman sila sa linyang napasukan.

Pero ang hindi maintindihan nila Gng. Escueta ay nang pilitin sila ng isa pang enforcer na itabi ang sasakyan nila sa madilim na bahagi ng expressway. After all, pinayagan na rin naman silang magbayad sa pilang iyon.

Kinuha raw ng enforcer ang lisensiya ng kanyang anak pero hindi nila sinunod ito at ang sumunod na nangyari ay katulad ng eksena sa pelikula kung saan pinatakbo ni Gng. Escueta ang kanyang anak dahil sa takot.

Pinabalik naman nila ang isa sa kanilang driver upang kunin ang lisensiya at kunin ang pangalan ng enforcer. Subalit tumanggi raw itong magpakilala.

Ang tanong, bakit nga naman pinipilit ng naturang enforcer na papuntahin sa madilim na bahagi ng CAVITEX sina Gng. Escueta gayung pumayag na nga ang mga ito na doon na sila magbayad sa naturang linya at hindi na rin sila sinuklian?

At bakit naman ayaw magpakilala ng inirerekamong enforcer kung wala naman siyang ginawang masama?

Palaisipan din sa atin kung bakit namimilit ang enforcer na ito. Samantalang may kautusan na ang TRB na hindi na muna ipatutupad ngayong taon ang penalty sa mga papasok na sasakyan sa linya para sa may RFID, na hindi pa nakakabitan o walang laman, kung meron na.

Kami po ay nakikipag-ugnayan na sa MPTC na may hawak ng Cavitex ukol sa reklamong ito.

101

Related posts

Leave a Comment