(JULIET PACOT/BERNARD TAGUINOD)
EPEKTIBO kahapon naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema na nagpapahinto sa paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa national treasury.
Ginawa ang anunsyo ng tagapagsalita ng SC na si Atty. Camille Sue Mae Ting, idinagdag na ang TRO ay epektibo kaagad upang maiwasan ang karagdagang paglilipat ng mga pondo.
Nauna nang binigyang-katwiran ng Department of Finance ang utos nito sa PhilHealth na mag-remit ng P89.9 bilyon pabalik sa national treasury para magamit ang mga ito sa pagpopondo sa unprogrammed appropriations.
Sinabi ni Finance Secretary Recto na sa kabila ng kautusan, hindi maaapektuhan ang mga programa ng PhilHealth dahil ang state insurer ay may natitira pang P500 bilyon sa benefit chest nito.
Noong Agosto, naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang iba’t ibang indibidwal at institusyon para harangin ang paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa pambansang badyet.
Tagumpay ng Pinoy
Itinuturing itong tagumpay ng sambayanang Pilipino ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares na kabilang sa mga grupong naghain ng petisyon sa SC.
“This TRO is a significant victory for the Filipino people, especially for PhilHealth beneficiaries who rely on these funds for their healthcare needs. The transfer of these funds would have jeopardized the benefits of countless Filipinos relying on PhilHealth,” ani Colmenares.
Nangangahulugan din aniya na hindi puwedeng gamitin ng Malacañang ang bahagi ng nasabing pondo na nailipat na sa NTr noong Mayo na nagkakahalaga ng P30 billion hangga’t hindi pa nagdedesisyon kung legal o hindi ang pagkuha ng Malacañang sa nasabing pondo na nakalaan sa kalusugan ng mga miyembro.
“This decision prevents a grave injustice from occurring,” ayon pa sa dating mambabatas.
Sa Enero 2025 pa sisimulan ng SC ang oral argument sa constitutionality ng paglilipat ng nasabing pondo.
Naniniwala rin si Colmenares na maging ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) na tinatarget ng gobyerno na kukunan ng pondo para ipampuhunan sa Maharlika Investment Funds ay posibleng mapigil na rin.
48