PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAGMISTULANG isang palabas sa sirkus ang isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon kamakailan kaugnay sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tila nalihis ang isyu ng reward system na nag-udyok sa mga pulis na pumatay kapalit ng pera at promosyon.
Kamakailan lang, ibinunyag ni Police Lt. Col. Arnulfo Ibañez sa QuadComm hearing na ang reward system na ito ang nagtulak sa mga pagpatay, may bonus at benepisyo para sa bawat buhay na kinitil.
Subalit ilang araw matapos ang kanyang nakagugulantang na pagbubunyag, bigla siyang bumaliktad, sinasabing “pinilit” umano siya ng ilang miyembro ng QuadComm na magbigay ng ganoong pahayag.
Ang timing ng kanyang pagbaliktad ay nagdulot ng maraming tanong, lalo na’t napaboran nito si Digong at ang kanyang mga tagasuporta sa Senado.
Malaking benepisyo para kay Duterte at kanyang mga kaalyado ang magmukhang walang katotohanan na testimonya ni Ibañez.
Kung mapaniniwala ang publiko na si Ibañez ay pinilit lamang, maaaring makaiwas ang mga tao ni Duterte sa pananagutan.
Ngunit ang biglaang pagbaliktad ng pahayag na ito ay mukhang pinagplanuhan na hakbang upang maprotektahan ang imahe ni Duterte at maitago ang katotohanan mula sa mga Pilipino.
Ang katotohanan tungkol sa drug war ni Digong at ang reward system nito ay tila itinatago sa sirkus ng mga kasinungalingan, sa pangunguna ng kanyang malalapit na mga kaalyado.
Ang Senate Blue Ribbon Subcommittee hearing, na sana’y isang patas na imbestigasyon, ay pinamumunuan nina Senador Bato Dela Rosa at Senador Bong Go —pinakamatapat na mga tagasuporta ni Duterte.
Si Senador Bato, dating hepe ng PNP, ang nanguna sa drug war, habang si Senador Go, matagal nang kanang-kamay ni Duterte, ay nasangkot din umano sa reward system batay sa mga testimonya ng ilang saksi sa QuadComm hearing.
Ngayon, sila ang nangunguna sa diumano’y imbestigasyon na ito, kaya’t hindi na nakapagtataka ang pagbaliktad ng kwento ni Ibañez.
Halatang-halata ang conflict of interest sa mata ng publiko. Ang isinagawang pagdinig sa Senado ay pinutakte ng mga pag-PUNA dahil ang dalawang idinadawit sa mga pagpatay ay kasama sa nag-iimbestiga (Dela Rosa at Go).
Paano magtatagumpay ang isang imbestigasyon na pinamumunuan ng mga kaalyado ni Duterte, sa paglalantad ng katotohanan?
Sa halip na maghain ng katarungan, ang hearing ay mistulang entablado lamang para baluktutin ang mga kwento, itago ang katotohanan, at protektahan ang war on drugs.
Sa halip na isang patas na imbestigasyon, ang Senado ay nagmistulang isang palabas na may layuning linlangin ang publiko.
Libo-libong Pilipino ang nawalan ng buhay sa madugong digmaan kontra droga ni Duterte, at marami pang pamilya ang nawalan ng mga mahal sa buhay.
Ngunit tila ang hangarin ng pagdinig na ito, sa pamumuno ng mga kaalyado ni Duterte, ay burahin ang mapait na katotohanan at gawing palabas ang lahat upang makalimutan ng mga Pilipino ang kanilang hinagpis.
Ang drug war ay tungkol sa pag-abuso ng kapangyarihan at reward system.
Hindi mabubura ang mga buhay na nawala dahil lamang sa isang sirkus sa Senado. Nakikita ng sambayanan ang kanilang pagpapanggap, at hindi na tayo basta-basta magpapalinlang.
48