MGA PULIS SA WAR ON DRUGS HINDI MAISASALBA NI DU30

HINDI maisasalba ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na kinasuhan sa war on drug sa pag-ako nito ng responsibilidad sa nasabing kampanya na ikinamatay ng halos 30,000 katao.

Ito ang tinuran ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares matapos akuin ni Duterte ang “full responsibility” sa war on drugs kung saan naghamon ito na siya ang kasuhan at hindi ang mga pulis na sumunod lang sa kanyang utos.

“Lahat ng pulis na nagke-claim na nanlaban (ang mga biktima), hindi magagamit ang depensang yun (pag-ako ni Duterte) ng responsibilidad,” paliwanag ni Colmenares na isa sa mga abogado ng mga biktima ng extra-judicial killings (EJK).

Walang datos kung ilang pulis ang nakasuhan sa war on drugs partikular na sa mahigit 6,000 na napatay dahil sa katwirang nanlaban ang mga ito.

Gayunpaman, may ilan nang nasentensyahan ng reclusion perpetua tulad ng mga pumatay kina Kian Delos Santos at Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman na pawang nangyari sa Caloocan City.

“Sa Pilipinas, unlawful order is not a defense. Hindi mo pwedeng sabihin na inutusan ako eh. Ang sabi ng batas, if the order is manifestly unlawful or unlawful you cannot used that in your defense,” ani Colmenares.

Pasaring kina Bato, Go

Mistulang pinasaringan ng isa sa mga chairman ng Quad committee sina Sens. Ronald “Bato” Dela Rosa at Christopher “Bong” Go na ‘nilunok ang kapal ng mukha” dahil sa pagsali ng mga ito sa Senate Blue Ribbon committee investigation sa war on drugs.

“Kapag ikaw yung iniimbestigahan,talagang dapat you don’t take part of it..but of course, they are members of the Senate., nobody can prevent them. It’s more of a moral obligation on the part of the parliamentarians,” ani Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez.

Si Dela Rosa ay isa mga inaakusahan sa madugong war on drugs dahil siya ang unang nagpatupad ng Oplan Tokhang kung saan naglabas din ito ng kautusan sa mga pulis na “neutralized” ang mga drug suspect.

Isa ito sa mga itinuturong dahilan kaya hindi na binigyan ng pagkakataon ng mga pulis ang mga drug suspek at itinumba na lamang gamit ang dahilang ‘nanlaban” ang kanilang mga target.

Sumabit din si Go sa war on drugs matapos ituro ni ret. Police Col. Royina Garma na siyang nagbibigay ng reward money sa mga pulis na makakapatay ng drugs suspect mula P20,000 hanggang P1 milyon sa pamamagitan ni ret. PCol. Edilberto Leonardo.

Dahil dito, nanawagan ang mambabatas at iba pang sektor ng lipunan kina Dela Rosa at Go na huwag sumali sa imbestigasyon ng Senado dahil sila ang iniimbestigahan.

Sinabi naman ni House deputy majority leader Jude Acidre na hindi na dapat sumali pa sa susunod na pagdinig ng Senado si Dela Rosa dahil ginagamit lamang umano nito ang nasabing imbestigasyon para linisin ang kanyang pangalan. (BERNARD TAGUINOD)

21

Related posts

Leave a Comment