ISANG panukala kamakailan ni Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Benjamin Diokno na buksan lahat ng mga bank accounts sa mga awtoridad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang umano ay matunugan agad ang anumang krimen na nababayaran ng sekreto dahil sa mas mababang deposito na hindi kailangang repasuhin ng BSP.
Bawal kasi na imbestigahan ang laman ng anumang bank account sa ilalim ng Bank Secrecy Act, pero lahat ng mga deposito na lalagpas ng P500,000 kada araw ay awtomatikong tinitingnan ng Bangko Sentral para malaman kung ito ba ay isang kaso ng money laundering o pagtatago ng ilegal na kita sa pamamagitan ng mga deposito sa bangko.
Ayon kay Diokno, isang mahalagang hakbang na awtomatiko nang mabuksan sa AMLC o ang ahensya sa ilalim ng superbisyon ng Bangko Sentral na may responsibilidad na imbestigahan ang anumang ilegal na kita galing sa ilegal na trabaho para mayroon na agad kapasidad ang awtoridad na pigilin ang anumang krimen.
Isang malaking krimen na nais ng publiko na mapigil ay ang mga kurakot ng mga politiko at mga drug lords at iba pang mga kriminal, pero lagi namang ayaw payagan ng Senado at Kongreso na tanggalin ang inspeksyon ng bank account ng sinuman nang walang utos ang korte. Ang iniisip natin diyan gaya ng marami sa ating kababayan ay takot silang mahuli rin na nagdeposito ng milyun-milyon sa kanilang mga bangko kahit na hindi naman ganoon kalaki ang kanilang suweldo. Garapal na kasi ang nakita natin na mga naging pangungurakot ng maraming politiko at opisyal ng pamahalaan at marami pa sa kanila ang nakakalusot kahit na tambak-tambak ang mga ipinapasok nilang pera sa bangko o sa mga ari-arian gaya ng mga mansyon, kotse at lupa.
Naging isang masamang halimbawa ang mga deposito sa bangko ni dating Pangulong Joseph Estrada at maging ang mga nadiskubreng tagong yaman ng mga Marcos hindi lang sa mga bangko sa ating bansa kundi na sa Amerika at Europa. Lumabas din ang mga Jose Pidal account na umano’y sekretong account ng asawa ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa mga kasong konektado sa PDAF scandal na nasangkot si Janet Napoles, nabuksan ang mga bank accounts ng mga senador at kongresistang sumabit at nadiskubreng milyun-milyong piso ang kanilang pera.
Mas maganda na ang unang buksan ng Senado at Kongreso na mga bank accounts ay ang mga pag-aari ng lahat ng mga opisyal ng pamahalaan ke ibinoto ng taumbayan o itinalaga ng nakaupong pangulo. Kailangan siguro pa rin na sundin ang proseso sa korte para sa ibang ordinaryong tao kung kailangan para malaman kung ang perang idineposito nila ay galing sa krimen o hindi.
Ang importante ay ibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga nakaupo sa pamahalaan para maging mas madali ang pagsunod natin sa ibang mga batas. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)
136