PUNA ni JOEL O. AMONGO
HUMAHARAP sa seryosong suliranin si Pangalawang Pangulo Sara Duterte habang ipinagpapatuloy ng House of Representatives ang imbestigasyon sa paggasta ng Office of the Vice President (OVP).
Sa ikalimang pampublikong pagdinig kaugnay ng paggamit ng pondo ng OVP at Department of Education (DepEd), naglabas ng contempt order ang Committee on Good Government and Public Accountability laban sa apat na opisyal ng OVP na hindi sumipot sa pagdinig. Kabilang sa mga binigyan ng contempt order ay sina Lemuel Ortonio (Tagapangulo ng OVP Bids and Awards Committee), Gina Acosta (Special Disbursing Officer), Sunshine Fajarda (dating Assistant Secretary ng DepEd), at Edward Fajarda (asawa ni Sunshine Fajarda). Lahat sila ay ang may pinakamalaking partisipasyon sa paggasta sa pondo ng OVP.
Walong beses na nagtangka ang Kamara na maihatid ang mga subpoena sa mga opisyal na ito, ngunit ang kanilang mga dahilan sa pagliban ay nagdulot ng mga tanong at pagdududa.
Dalawa sa kanila ang nagpadala ng nakasulat na paliwanag na nagsasabing sila ay nakaatas sa mga opisyal na lakad sa labas ng Metro Manila noong unang bahagi ng Nobyembre, at nagprisinta pa ng mga travel order at ticket sa eroplano bilang patunay.
Gayunpaman, kaduda-duda ang mga paliwanag na ito para sa mga mambabatas. Pinuna ng ilang mambabatas ang sabay-sabay na pagbiyahe ng mga opisyal na ito at sinabing tila may sabwatan upang iwasan ang pagdinig at ‘di sagutin ang mga katanungan ng komite at ng taumbayan.
Binanggit ni Rep. Suarez ang kakaibang pattern at tinanong kung bakit nagkataong sabay-sabay ang kanilang mga biyahe sa petsa ng pagdinig.
Ang kanilang hayagang pagtanggi na dumalo sa patuloy na imbestigasyon sa budget ay itinuturing na isang sadyang hakbang upang iwasan ang pagdinig at isang malinaw na akto ng pagsuway, na nagpapakita ng kultura ng kawalan ng pananagutan at estilo ng pamumuno ni Duterte na nakasandig sa pag-iwas.
Ipinakikita ng kanilang pagsuway at pagtanggi na makilahok sa pagdinig, ang paulit-ulit na pag-iwas sa responsibilidad sa ilalim ng pamamahala ni Duterte.
Sawa na ang mga mambabatas sa mga pagliban at hindi makatotohanang paliwanag, kaya malinaw nilang ipinaalam na hindi na nila tatanggapin ang ganitong mga taktika.
Ang contempt order ay isang malinaw na pahayag na determinado ang House na papanagutin ang OVP.
Tinawag ni Duterte na “hindi kinakailangan” ang imbestigasyon. Sa halip na makipagtulungan at patunayan ang katapatan ng kanyang tanggapan, pinili niyang iwasan ang mga tanong at takpan ang isyu.
Ang contempt order ay hindi lamang usaping politikal. Ipinakikita nito kung gaano kahina ang pamumuno ni Duterte. Ang kanyang paraan ng paghawak sa isyung ito ay nagbibigay ng impresyon ng pagiging lihim at kawalan ng pagnanais na humarap sa mga pananagutan.
Ang pangyayaring ito ay posibleng maging simula ng pagbaba ng kanyang reputasyon sa politika at magpapatunay na ang pamumunong nakabatay sa pag-iwas ay hindi tatagal magpakailanman.
47