Former ES Rodriguez sa Quadcom: WAR ON CORRUPTION ‘DI POLITICAL PERSECUTION

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

TILA puno ng panghihinayang ang unang executive secretary ng Marcos admin sa lihis na atensyon ng Kongreso dahil imbes pagtugon laban sa korupsyon at iba pang pangunahing problema ng bansa ay ang pag-usig sa mga kalaban sa pulitika ang kanilang inuuna.

Sa panayam sa VMR Channel, sinabi ni Atty. Vic Rodriguez na imbes pagtuunan ng pansin ng mga kongresista ang korupsyon ng kasalukuyang administrasyon ay puro pamumulitika ang kanilang ginagawa.

Partikular na kinuwestiyon ni Atty. Rodriguez kung nasaan ang milyun-milyong pisong pondo ng 5,500 flood control projects ng Marcos Administration.

Sa tuwing bumabagyo aniya ay libu-libong Pilipino ang naaapektuhan ngunit hanggang ngayon ay hindi nabibigyan ng solusyon ng gobyerno.

Sa kabila nito at iba pang pangunahing problema ng sambayanan ay sa iba nakatuon ang atensyon ng Kongreso. Tulad na lamang ng patuloy na paggisa sa mga Duterte.

Sa pagharap ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa House quadcom, naniniwala si Rodriguez na naipakita nito ang talas ng isip laban sa mga kongresistang gumisa sa kanya.

“Sa dinami-dami nilang nagtatanong (mga kongresista) kay Duterte, lahat ay nakasagot ito sa mahigit kumulang 11-oras marathon hearing ng Quad committee,” ani Atty. Rodriguez.

Aniya, halata namang isang “political persecution” ang ginagawa kay Duterte ngunit nabigo ang mga kongresista na paikutin ito dahil matalino itong tao.

Nabatid na maraming nagpakita ng suporta kay Duterte sa kanyang pagdalo sa Quad comm. Ang grupo ay pinangunahan ni Quezon City Councilor Rannie Ludovica na nagtipon sa tinawag na

Freedom Park na malayo sa Batasan Pambansa kung saan isinasagawa ang pagdinig ng Quad Comm.

Ipinagtataka ni Rodriguez kung bakit hindi pinayagan ang mga tao na magpakita ng suporta kay Duterte at magtipun-tipon malapit sa Batasan Pambansa.

Nauna rito ay malayang nakapagsagawa ng pagtitipon ang makakaliwang grupo sa may gate ng nasabing gusali.

Binanggit pa ni Atty. Rodriguez na marespeto naman ang mga taga-Quezon City sa ipinatutupad na mga batas ng gobyerno at lubhang nakapagtataka kung bakit hindi pinayagan na makalapit sa may Batasang Pambansa ang supporters ng dating pangulo.

Kasabay nito, sinamantala ni Atty. Vic Rodriguez na magpasalamat sa sambayanang Pilipino na nagpapatuloy sa kanya sa kanilang mga tahanan.

Kapalit nito ay ipinangako niya na patuloy niyang poprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipino.

72

Related posts

Leave a Comment