TAHASANG itinanggi kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na binibigyan nila ng reward o pabuya ang kanilang mga tauhan na nakapapatay ng mga nasasangkot sa bawal na droga.
Ito ang paglilinaw ni PDEA PIO chief, Dir. Laurefel Gabales hinggil sa isyu na pagkakaloob ng rewards sa mga nakapatay ng mga suspek o mga sangkot sa bentahan ng ilegal na droga.
Pinaliwanag pa ni Gabales, may Operation Private Eye at Operation Lawmen ang PDEA na nagsasagawa ng lehitimong operasyon kontra droga.
Sinasabing may polisiya ang ahensya patungkol sa mga miyembro ng PDEA na nakapapatay sa panahon ng operasyon at ang pagbibigay naman ng rewards ay alinsunod sa batas at polisiyang binalangkas at ipinatutupad ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Mariin ding sinabi ni Gabales, kanilang sinusunod ang polisiya ng pamahalaan na pairalin ang karapatan ng sinomang mahuhuli na may kinalaman sa bentahan at pagpapakalat ng droga sa bansa.
Bukod dito, nagdagdag sila ng mga programa para mapabago ang takbo ng buhay ng mga gumagamit ng droga kasabay ng pagdaragdag ng mga rehabilitation center sa buong bansa.
Higit sa lahat, hindi umano polisiya ng administrasyong Marcos ang state sponsored killing o extra judicial killing sa kanilang kampanya kontra droga. (JESSE KABEL RUIZ)
14