RAPIDO NI TULFO
HINDI pa man nakababalik sa bansa ang ating kababayang si Mary Jane Veloso na nasentensyahan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa drug trafficking noong October 2010, ay tila pinag-aagawan na ng ilang personalidad ang karangalan at papuri kung sino ang dapat pasalamatan sa napipintong pag-uwi nito bansa.
Sa isang post sa kanyang personal account sa Twitter na X na ngayon, pinasalamatan ng aktres at dating TV host na si Kris Aquino, ang kanyang kapatid na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Dahil sa ilalim daw ng administrasyon nito nabigyan ng temporary reprieve si Veloso at hindi natuloy ang sentensyang kamatayan dito. Idinagdag pa ng dating presidential daughter sa kanyang post, ang mga katagang ito, “Please lang po, let’s give credit where credit is due”.
Obviously si Pangulong Bongbong Marcos ang pinatatamaan ni Kris sa post niyang ito.
Inanunsiyo na ni PBBM ang pag-uwi ni Veloso sa bansa matapos ang labing-apat na taon na pagkakakulong at pinasalamatan ang bagong halal na Pangulo ng Indonesia na si Prabowo Subianto dahil dito.
Pero sino nga ba ang dapat na pasalamatan dito, si PNoy o si PBBM? Ang sagot, pareho lang dahil pareho namang may ginawa ang dati at kasalukuyang pangulo kaya hindi nabitay si Veloso at makauuwi na ito.
Pinag-aaralan naman ni PBBM kung bibigyan niya ng executive clemency si Veloso dahil ililipat lang naman po si Veloso sa bansa at hindi naman ito pinawalang sala.
Nasentensiyahan ng kamatayan si Mary Jane Veloso noong October 11, 2010 ng District Court of Justice sa Yogyakarta, Indonesia.
Ilang beses ding pinanindigan ng Supreme Court of Indonesia ang sentensya kay Veloso.
11