PINAPLANTSA pa rin ng gobyerno ng Pilipinas at ng Indonesia ang mga kondisyon sa paglilipat kay Mary Jane Veloso na may ilang taon na ring nakakulong matapos hatulan ng parusang kamatayan dahil sa pagdadala ng 2.6 kilograms ng heroin sa naturang bansa noong 2010.
Sa Joint Statement ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DoJ), kapuwa sinabi nito na “we are bound to honor the conditions that would be set for the transfer, particularly the service of sentence by Mary Jane in the Philippines, save the death penalty which is prohibited under our laws.”
“The conditions for the transfer of Ms. Mary Jane Veloso are still being discussed with Indonesia,” ang nakasaad pa rin sa nasabing joint statement.
Nauna rito, binigyang-kredito naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , ang matatag at malalim na relasyon ng Pilipinas at Indonesia sa pagsagip sa buhay ni Veloso.
Sa katunayan, isiniwalat ni Pangulong Marcos na mismong ang Indonesia ang nagpalit ng sentensiya ni Veloso kung saan mula sa death sentence ay ginawa itong life imprisonment.
Sa isang panayam sa Nueva Ecija, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagpapalit o pagbabago ng sentensiya mula sa death sentence na ginawang life imprisonment ay inisyal na layunin ng kanyang administrasyon.
‘No Strings Attached’
Nilinaw rin sa ulat na hindi humirit ng anomang pabor ang Indonesian government kapalit ng pagpapauwi kay Veloso.
“There are a lot of speculations as to what the return or what was the condition. The Indonesians have not requested any payback for this,” ang sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega sa press briefing sa Palasyo ng Malakanyang.
“May I clarify, this is not in return for anything,” ayon kay De Vega.
Si Veloso ay nahatulan sa kasong drug trafficking sa Indonesia noong 2010. Siya ay nasa death row sa loob ng 14 na taon. (CHRISTIAN DALE)
12