TULOY-TULOY ang pakikipag-ugnayan ng Commission on Elections (Comelec) sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, ang dalawang pangunahing deputized security force nito sa panahon ng eleksyon para matiyak na magiging ligtas, maayos, payapa, at credible ang gaganapin May 2025 Midterm election.
Una nang inihayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na tututukan ng komisyon ang anomang magiging banta sa kaligtasan o karahasan sa panahon ng halalan.
Ayon kay Chairman Garcia, gagawin lahat ng komisyon para maiwasan ang anomang kaguluhan kapag pumasok na ang election period.
Magugunitang hiniling ni Garcia sa PNP at AFP na wasakin ang mga hinihinalang private armed groups na minamantine ng ilang politiko at maimpluwensyang indibidwal.
Kasabay ng pagpapaigting sa kampanya ng pamahalaan kontra loose or undocumented firearms na maaaring magamit sa paghahasik ng karahasan.
Kaugnay nito, nanawagan din si Garcia para sa agarang pag-aresto sa mga bumaril sa vice-mayoral aspirant sa Tantangan, South Cotabato.
Tiniyak ni Garcia na tututukan ng kanilang komisyon ang kasong ito. (JESSE KABEL RUIZ)
71