TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG
SA gitna ng kontrobersiya ukol sa pagkakadetine ni Atty. Zuleika Lopez, Chief of Staff ni Vice President Sara Duterte, nanawagan si Sen. Christopher “Bong” Go ng pagkakaisa at pagtutulungan sa hanay ng mga lider ng bansa.
Idiniin ni Go na ang kapakanan ng ordinaryong Pilipino ang dapat mangibabaw sa gitna ng mga hidwaang pampulitika.
Ayon sa kanya, hindi kontrobersya at awayan ang kailangan ng sambayanan, kundi maayos na serbisyo mula sa gobyerno.
Binatikos niya ang umano’y pang-aabuso sa kapangyarihan ng contempt na nagiging sanhi ng pagkakakulong ng resource persons, tulad ng kaso ni Atty. Lopez.
Binanggit ni Go ang kalagayan ng kalusugan ni Atty. Lopez, na ayon sa kanya ay dapat bigyang-prayoridad.
Nagpahayag din si Go ng pag-aalala sa negatibong epekto ng bangayan sa pulitika sa mamamayang Pilipino. “Habang nag-aaway ang mga lider, ang nasasakripisyo ay ang mga kababayan nating ordinaryong Pilipino na gusto lamang ng maayos at tahimik na buhay,” sabi niya.
Hinikayat ni Go si Senadora Imee Marcos na maging tagapamagitan sa pagitan ng kampo nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at VP Sara, gaya ng kanyang naging papel noong kampanya ng UniTeam noong 2022.
Ayon kay Go, ang pagkakaisa ng mga lider ay mahalaga upang maipagpatuloy ang serbisyo sa bayan.
Kaya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, kakulangan sa pagkain, at iba pang krisis, nanawagan si Go na ituon ang pansin ng gobyerno sa mga suliraning ito.
Ipinaalala niya ang ehemplo ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan naging epektibo ang ugnayan ng lehislatibo at ehekutibo sa paggawa ng batas at programang makabubuti sa bayan.
Ang panawagan ni Sen. Go ay isang malinaw na paalala sa mga lider ng bansa na ang tunay na mandato nila ay maglingkod sa sambayanan.
Sa gitna ng mga hamon na kinahaharap ng Pilipinas, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga lider ay susi upang maibigay ang serbisyong nararapat para sa bawat Pilipino.
Malinaw na ito ay hindi lamang para sa kasalukuyang isyu, kundi para sa pangmatagalang kapakanan ng bayan.
84