MATAPOS ang anim na taon, binuhay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso umano’y P2 billion bribery issue noong panahon ni dating National Food Authority (NFA) administrator Jason Aquino.
Sa pagdinig ng Quinta Committee hinggil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, binanggit ng lead chair nito na si Albay Rep. Joey Salceda ang nasabing isyu sa NFA noong 2018.
“No one has gone to jail for allegations of bribery in obtaining import permits, or for the NFA’s failure to undercut cartels by diverting palay procurement funds to loan payments,” pahayag ni Salceda.
Sa privilege speech ni Sen. Risa Hontiveros noong September 2018, isiniwalat nito ang tara-system sa NFA kung saan tinarahan umano ng NFA officials ng P100 hanggang P150 ang bawat sako ng bigas na inaangkat ng mga rice importers.
Dahil 1 million metric tons na katumbas ng 20 million sako ng bigas ang inangkat noong panahon ni Aquino, tumataginting na P2 billion umano ang nakolektang tara sa P100 na tara pa lamang.
Hindi pa umano kasama rito ang entrance fees na hinihingi ng NFA sa mga rice importers para mabigyan ng certificate of eligibility at import permit subalit biglang nakalimutan ang nasabing isyu.
“What happened to the charges that then Presidential spokesperson Harry Roque said the government was going to file in September 2018?,” ayon kay Salceda kaya inatasan nito ang Department of Justice (DOJ) na mag-report sa Kamara kung talagang inimbestigahan ng mga ito si Aquino.
Samantala, inatasan din ni Salceda ang NFA na isumite ang listahan ng mga indibidwal at corporation na nabigyan ng rice import permit mula 2016 hanggang 2018 habang pinarereport din ng komite ang Bureau of Customs (BOC) kung ilang milyong metric tons ang dumating sa bansa sa nabanggit na panahon.
Ito ay dahil lumabas sa kanilang unang imbestigasyon na malala ang price manipulation sa sektor ng agrikultura sa unang dalawang taon ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. (BERNARD TAGUINOD)
52