NASA mahigit 2 libong pamilya na mga nakatira sa mapanganib na lugar ang magkakaroon ng ligtas at disenteng tahanan sa susunod na taon.
Ito ay sa pamamagitan ng higit 2,000 housing units na itatayo sa Brgy. Anos, Los Baños, Laguna, sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ng pamahalaan.
Nasa 17 gusali ang itatayo para sa vertical housing project na ilalaan sa sa 2,120 pamilya sa naturang bayan.
Prayoridad na mabigyan ng housing units ang mahihirap, mga nakatira sa danger zones tulad ng tabing riles at tabing lawa gayundin ang mga residenteng wala pang sariling bahay.
Para sa ilang benepisyaryo, masaya silang maging bahagi ng programa at magkaroon ng sariling bahay para sa kanilang buong pamilya na matatawag nilang kanila at malayo sa kapahamakan.
Pinangunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Social Housing Finance Corporation (SHFC), at ng pamahalaang bayan ng Los Baños ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Bagong Los Baños Residences. (NILOU DEL CARMEN)
59