CARNAPPER HULI NANG HINDI MAPAANDAR NINAKAW NA MOTORSIKLO

HINDI na nakapalag pa ang isang lalaki matapos sitahin ng mga pulis kung bakit gunting ang ginagamit nito sa pagpapaandar ng kanyang dalang motorsiklo.

Nang hindi maipaliwanag ng maayos, agad na inaresto ng mga miyembro ng Pasig PNP si Alyas “Rengie,” 34-taong gulang, walang asawa, helper ng isang water station at residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Ayon kay PCol. Hendrix Mangaldan, chief of police ng Pasig City, Nobyembre 20, 2024 dakong alas-830 ng gabi nang mapansin ni Alyas “Princess,” na nawawala ang kanyang motorsiklo na nakaparada mismo sa harap ng kanilang bahay.

Inireport ng biktima ang carnapping incident sa Pinagbuhatan Police Sub-station 5 na agad namang nagsagawa ng follow-up operation kasama na ang pag-alerto sa mga kasamahan na kasalukuyang nagpapatrolya.

Sinabi pa ni Mangaldan na makalipas ang isang oras, namataan ng mga awtoridad ang isang lalaki na pilit na pinapaandar ang dala nitong motorsiklo gamit ang gunting sa Acacia-Gahit Road ng nasabing barangay.

Matapos beripikahin na hindi niya pagmamay-ari ang nasabing motorsiklo at tumutugma sa deskripsyon ng nawawalang motor, agad inaresto ang suspek na hindi na pumalag pa.

Kakasuhan ang suspek sa paglabag nito sa Republic Act 10883 o ang New Anti-Carnapping Law of 2016 na ayon kay Mangaldan, titiyakin niyang mananagot sa batas ang nasabing suspek.

Binigyan din ng komendasyon ng hepe ang mga tauhan nito na naging alerto at may dedikasyon sa kanilang tungkulin na hulihin ang mga lumalabag sa batas. (NEP CASTILLO)

34

Related posts

Leave a Comment