TIRADOR NG MOTOR SA RIZAL, KALABOSO

RIZAL – Kalaboso ang isang hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo matapos makilala at maaresto ng mga pulis batay sa kuha ng CCTV bandang alas-3:15 ng hapon noong Disyembre 18, sa bayan ng San Mateo.

Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun, Director ng Rizal Police Provincial Office ang suspek na si alyas “Jonel”, 31-taong gulang, ng Brgy. Burgos, Rodriguez, Rizal.

Ayon sa salysay ng biktimang kinilalang si alyas Rizal, 65-taong gulang at isang retiradong pulis, panandalian lamang umano niyang ipinarada ang kanyang motor sa harap ng opisina na pinagtatrabahuang security agency ngunit bigla na lamang itong nawala.
Inamin naman ng biktima na nakalimutan niyang kunin ang susi ng motor kaya natangay ito ng suspek at pinaharurot sa direksyon patungong katabing bayan ng Rodriguez.

Humingi ng tulong ang biktima sa mga dati niyang kasamahan sa pulisya, na nagsagawa ng hot pursuit operation batay sa kuha ng CCTV at agad naaresto ang suspek.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, modus umano ng suspek ang maniktik sa mga motorsiklo na kadalasang naiiwan ang ignition switch na nakabukas o kaya ay naiiwan ang susi nito.

Bukod dito, isa pang complainant mula sa Brgy. Ampid 1, San Mateo, Rizal ang lumutang sa istasyon ng pulisya at positibong itinuro ang suspek na nagnakaw din ng kanyang motorsiklo at matagumpay na narekober.

Kasalukuyang nakapiit sa San Mateo Custodial Facility ang suspek para sa sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law of 2016. (NEP CASTILLO)

22

Related posts

Leave a Comment