P63-M SHABU NASABAT SA ZAMBIAN NAT’L SA NAIA

TINATAYANG P63 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mula sa isang Zambian national sa arrival area ng NAIA Terminal 3.

Ayon sa ulat na ibinahagi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, isang matagumpay na anti-illegal drug interdiction operation ang inilunsad ng kanyang mga tauhan sa NAIA Terminal 3, katuwang ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) at PDEA at mga elemento ng PNP at NBI, na nagresulta sa pagkakasamsam sa mahigit siyam na kilo ng methamphetamine hydrochloride, o mas kilala sa tawag na shabu, na may estimated street value na umabot sa P63 million.

Sa isang pahayag, sinabi ng BOC na ang dayuhan ay nahuli dahil sa dala nitong 9 kilo ng shabu.

Nadiskubre sa maleta nito ang dalawang vacuum-sealed translucent plastic bag ng shabu na kasama ng ilang piraso ng mga damit.

“We are ramping up efforts to prevent the smuggling of dangerous substances that endanger our communities,” ani Rubio.

Ang Zambian at ang nasabat na mga kontrabando ay itinurn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at patuloy na sumasailalim sa imbestigasyon kaugnay sa pagpupuslit ng droga sa Pilipinas.

Inihahanda na ang kasong sa paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) laban sa suspek. (JESSE KABEL RUIZ)

18

Related posts

Leave a Comment