MASLOG BIGO SA BAIL PETITION SA SANDIGANBAYAN

NALIGWAK muli ang bail petition ng kontrobersyal na personality na dawit sa maanomalyang pagbili ng P24-million textbook na si Mary Ann Maslog.

Ito ay makaraang ibasura ng Sandiganbayan ang kanyang ikalawang motion for reconsideration na humihiling baligtarin ng korte ang naunang desisyon ng pagbasura sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Si Maslog na kilala rin sa alias na Dra. Jessica Francisco ay naghain ng unang motion for reconsideration noong Nov. 25, 2024 ngunit agad itong ibinasura noong Disyembre 12, 2024.

Subalit sa resolution noong Dec. 19, 2024, ibinasura ng Sandiganbayan Second Division ang kanyang mosyon dahil sa kawalan ng merito matapos ang masinsinang pagbusisi sa mga argumentong iprinisinta ng akusado at prosekusyon.

Sinabi ng anti-graft court na ang paulit-ulit na aksyon ni Maslog na pag-iwas gaya ng paglagak ng piyansa, paggamit ng magkakaibang alias at pagtakas sa ibang bansa ay nagpapakita ng matinding paglabag sa kanyang mga legal na pananagutan.

Inalala ng korte ang pagpayag kay Maslog na makapagpiyansa noong 2017 kung saan hindi na ito nagpakita pa o humarap sa mga sumunod na pagdinig at inabandona ang kanyang commitment na harapin ang kanyang mga kaso.

Ang paggamit din aniya ni Maslog ng pekeng identity kabilang na ang Dra. Jessica Sese Francisco ay nagpapakita ng kanyang malinaw na intensyon para takasan ang kanyang pananagutan.

Saad pa ng korte na tinakasan ni Maslog ang pag-uusig laban sa kanya at niligaw ang imbestigasyon ng mga awtoridad matapos nitong pekein ang kanyang pagkamatay.

Subalit, nabunyag na buhay pa si Maslog matapos itong maaresto ng NBI noong Setyembre 25, 2024 makaraang sampahan ng reklamo ang isang Jessica Francisco na kalaunan ay nabunyag na si Maslog matapos tumugma ang fingerprints nito. (JULIET PACOT)

72

Related posts

Leave a Comment